Umiskor si Gab Diamante sa ika-36 minuto para sandigan ang De La Salle sa 1-0 panalo kontra University of the East at panatilihin ang malinis na karta sa UAAP Season 78 football tournament sa McKinley Stadium sa Taguig City.

Dahil sa panalo, mayroon na ngayong kabuuang 13 puntos ang Green Booters na nagpatatag ng pangingibabaw sa team standings.

Sa isa pang laban, nagtala naman ng tig- isang goal sa second half sina Xavier Alcuaz at Jarvey Gayoso para pangunahan ang Ateneo sa paggapi sa National University, 3-1.

Bunga ng panalo, mayroon na ngayong anim na puntos ang Blue Eagles, habang may pitong puntos ang kanilang biktima.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Unang naka-goal ang Bulldogs sa pamamagitan ni team skipper Paolo Salenga sa ika-11 minuto bago naitabla ni Julian Roxas ang iskor kasunod ng kanyang goal sa ika-29 minuto sa free kick ni Mikko Mabanag.

Nauna rito, umangat ang University of Santo Tomas sa ikalawang puwesto matapos ang 1-0 panalo kontra defending champion Far Eastern University.

Naitala ni Dionisio Busmion ang winning goal sa ika-73 minuto.

Tangan ng Tigers ang 11 puntos, habang nanatili namang may limang puntos ang Tamaraws matapos ang dalawang sunod na kabiguan. (Marivic Awitan)