ANG buwan ng Pebrero, bukod sa Buwan ng Pag-ibig, ay Pambansang Buwan ng Sining o National Art Month. Sa pangunguna ng National Commission Culture and the Arts (NCCA), ang pagdiriwang ng Buwan ng Sining ay nagiging matagumpay dahil na rin sa pakikipagtulungan ng mga samahang pangkultura, sining, at edukasyon.

Nakiisa rin sa selebrasyon ang daan-daang alagad ng sining mula sa larangan ng arkitektura, sayaw, musika, pelikula at visual arts, upang maabot ang libu-libong kababayan.

Ang pagdiriwang ng Buwan ng Sining ay batay sa Presidential Proclamation No. 683 noong 1981 na layuning pagbuklurin ang mga Pilipino bilang nagkakaisang mamamayang Pilipino.

Bilang pakikiisa sa pagdiriwang ng Buwan ng Sining, sa lalawigan ng Rizal ay taun-taong naglulunsad ng Rizal Art Festival. At ngayong 2016 ang ikawalong Rizal Art Festival.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Ayon kay Nemiranda, Jr., kilalang pintor-iskultor sa Rizal at sa buong bansa, ang Rizal Art Festival ay sisimulan ngayong Pebrero 29. Magiging makahulugan at naiiba umano ito sa mga nagdaang pagdiriwang dahil ipagdiriwang din ang ika-30 taong anibersaryo ng SM Mall, ang ika-30 taong pagkakatatag ng Rizal Artist Federation, at ika-30 taon ng EDSA People Power Revolution. Ang Angono Ateliers Association, samahan ng mga pintor sa Angono, Rizal, ay may nilikhang mural painting na may kaugnayan sa EDSA People Power Revolution. Makikita ito sa EDSA Shrine, na nasa kanto ng Ortigas Avenue at Epifanio de los Santos Avenue.

Bahagi ng Rizal Art Festival ang pagbubukas ng art exhibit ngayong Pebrero 29 sa Event Center ng SM Taytay.

Nakatakdang maging mga panauhin sina Rizal Governor Rebecca Nini Ynares, Antipolo City Mayor Jun Ynares, ang First Lady ng Antipolo City na si Gng. Andeng Bautista Ynares; Angono Mayor Gerry Caldron at Taytay Mayor Janet de Leon-Mercado.

Bukod sa art exhibit, bahagi rin ng pagdiriwang ang art competition na ang mga kalahok ay malaya sa pagpili ng paksa.

Sa Angono, Rizal, ang Buwan ng Sining ay ginawa at isinabay sa parangal at pagdiriwang ng ika-103 kaarawan ni Maestro Lucio D. San Pedro nitong Pebrero 11. Ang pagdiriwang ay tinawag na “Gunita ng Musika at Awit”.

Binigyang-buhay ang mga komposisyon at awiting makabayan ni San Pedro. (CLEMEN BAUTISTA)