Sinabi kahapon ng mga abogado ng Bureau of Immigration (BI) na maaari pa ring papanagutin ang Queen of Pop na si Madonna at ang mga kapwa niya dayuhang performer kaugnay ng umano’y malaswa at lapastangang pagtatanghal ng mga ito sa bansa noong nakaraang linggo kung may maghaharap ng pormal na reklamo sa BI laban sa mga ito.
“If we find merit in the complaint and if it is proven that she indeed mishandled our flag in violation of the law, we can include her (Madonna) in our blacklist and she will be banned from re-eentering the Philippines,” anang isa sa mga abogado sa legal division ng kawanihan.
Tahimik na nilisan ng American music icon ang bansa nitong Biyernes sa kabila ng mga panawagan na parusahan ang singer at ang concert promoter sa maling paggamit o pambabastos sa watawat ng bansa sa concert nito sa Mall of Asia Arena sa Pasay City nitong Miyerkules at Huwebes.
Gayunman, sinabi ng mga opisyal ng BI na walang basehan ang kawanihan upang pigilan si Madonna na umalis sa bansa sakay sa isang chartered flight patungong Singapore dahil wala namang pormal na reklamo ng deportation laban sa singer hanggang nitong Biyernes.
Dagdag ng mga opisyal ng BI, maaari ring patawan ng kaparehong parusa ang mga dayuhang co-performer, choreographers, at promoters ni Madonna.
Ang mga local promoter naman ni Madonna, anila, ay maaaring kasuhan sa korte sa paglabag sa Philippine Flag Law sa pagpapahintulot sa isang Amerikanong singer na lapastanganin ang watawat ng Pilipinas.
Sa isang panayam sa radyo nitong Biyernes, binatikos ng isang opisyal ng National Historical Commission of the Philippines (NHCP) si Madonna sa pagbabalabal ng watawat ng Pilipinas habang nasa entablado, at sa pagpapabayang sumayad ito sa sahig, na mahigpit na ipinagbabawal sa bansa.
Ayon kay NHCP Heraldry Section chief Teodoro Atienza, nilabag ni Madonna ang RA 8491, na nagbabawal sa pagsusuot sa watawat “in whole or in part as a costume or uniform”.
“Maaari po silang ma-deport at hindi na makabalik sa bansa,” sabi ni Atienza, idinagdag na inihahanda na ang reklamo laban sa grupo ni Madonna na ihahain nila sa BI.
Nabatid na bago nagtanghal sa Maynila, ibinalabal din ni Madonna sa kanyang sarili ang watawat ng Taiwan sa concert niya sa Taipei, na labis na ikinagalit ng mga Taiwanese. (Jun Ramirez)