Tinatayang aabot sa P11 milyon halaga ng marijuana ang sinira ng pinagsanib na puwersa ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Philippine National Police (PNP) na nasamsam sa 16 na taniman ng ilegal na droga, sa isinagawang eradication operation sa La Union.
Base sa report ni PDEA Director General Arturo G. Cacdac, Jr., sinunog ng mga tauhan ng PDEA Regional Office 1 (PDEA RO1) La Union Special Enforcement Team, sa pamumuno ni Director Adrian Alvariño, sa pakikipagtulungan ng Santol Police at La Union Provincial Public Safety Battalion, ang mga nakumpiskang marijuana sa Sitio Palpalidan, Barangay Sasaba; Sitio Bas-ungan, Barangay Sagingsing; at Saep, Barangay Sapdaan, Santol, La Union, dakong 5:00 ng umaga nitong Biyernes.
Kabilang sa mga sinunog ang 49,600 fully-grown marijuana plant, 41,600 marijuana seedling, at 700 gramo ng pinatuyong dahon ng marijuana.
Nakumpiska ang nabanggit na bulto ng marijuana sa 7,182 metriko-kuwadradong taniman.
Tinatayang aabot sa P11,671,500 ang halaga ng mga sinunog na marijuana, ayon kay Cacdac.
Wala ni isang suspek ang naaresto nang salakayin ng awtoridad ang mga nasabing plantasyon ng marijuana, ayon sa ulat. (Jun Fabon)