ronda copy

Morales, ipopormalisa ang koronasyon sa Ronda Pilipinas.

MALAYBALAY, Bukidnon – Tadhana na lamang ang magpapasya kung mauudlot ang koronasyon ni Jan Paul Morales ng Philippine Navy-Standard Insurance bilang kampeon sa Mindanao Stage ng LBC Ronda Pilipinas.

Hawak ang 49 na puntos, 14 na puntos na bentahe sa nakabuntot at kasanggang si Ronald Oranza (35), sisikad ang mga batikang local riders para sa ikalima at huling stage – 158.32 kilometrong lakbayin – ngayon sa progresibong lalawigan na tanyag sa taniman ng world-class na pinya.

Hugot ng netizen tungkol sa 'Andito na tayo sa edad na...' umani ng reaksiyon

Masasabing pormalidad na lamang ang hinihintay ni Morales dahil lubhang malayo na ang kanyang kalamangan sa mga karibal na riders.

“Malabo na nilang mahabol si Jan (Morales). Kung may magtatangka man, handa naman kaming magbantay,” sambit ni Oranza, nagwagi sa unang dalawang stage, bago nakasingit si Morales sa ikatlong stage at sundan ng matikas na ratsada sa Manolo Fortich.

“Halos lahat sa unahan, teammate namin. Kaya medyo kumpiyansa na ako. Iwas lang sa aberya at smooth ride lang,” pahayag ng 30-anyos na si Morales, pambato ng Calumpang, Marikina.

Tunay na walang mabigat nabanta kay Morales.

Nasa top 10 ng Overall Classification ang pitong kasangga ni Morales sa Navy, kabilang sina Oranza (35 points), Reynante (33), Daniel Ven Carino (30), Rudy Roque (26), Joel Calderon (23), El Joshua Carino (16) at Jhon Mark Camingao (12).

Nasa ikasiyam si Ronnilon Quita ng Team LBC/MVP na may 12 puntos at ika-10 si James Paolo Ferfas ng Team LLC Lutayan sa karera na handog ng LBC at LBC Express.

Mas kapana-panabik na bantayan ang duwelo sa pagitan nina Camingao mula sa Panabo, Davao Del Sur at Ferfas na pambatao ng Marbel, South Cotabato na mahigpit na naglalabanan para sa MVP Overall Local Hero classification o kategorya na para sa mga isinilang o nagmula sa Mindanao.

Iniinda ni Camingao ang pamamaga ng kanyang tonsil bunsod nang pabago-bagu lagay ng panahon. Ngunit, sa kabila nito, dikit ang kanilang labanan para sa parangal sa karera na sanctioned ng PhilCycling at itinataguyod ng Manny V. Pangilinan Sports Foundation, Petron, Versa Radio-Tech 1 Corp., Maynilad at NLEX.

Bitbit ni Camingao ang kabuuang 12 puntos kontra kay Ferfas na may 9 na puntos. Kailangan ni Ferfas na magtipon ng apat na puntos kontra kay Camingao sa huling yugto upang agawin ang Petron Blue Jersey at ang premyong P25,000.

(ANGIE OREDO)