Ginapi ng University of the Philippines ang Ateneo de Manila, 1-0, upang makasalo sa ikatlong puwesto sa UAAP Season 78 men's football tournament, sa Moro Lorenzo Field.

Nagawang maipasok ni rookie Kyle Magdato ang naunang mintis na goal ng kakamping si Raphael Resuma sa ika-29 minuto na siyang nagsilbing winning goal para sa Fighting Maroons.

Ang panalo, ikalawang sunod ng UP, ay nagtabla sa kanila sa National University na gaya nila’y mayroon ding natipong 7 puntos, ngunit lamang sa kanila sa bilang ng goal.

Kasunod nito, nakaiskor si Bless Brian Jumo sa ika-88 minuto mula sa assist ng kanyang kakambal na si Bless Brian Jumo upang ipanalo ang Adamson, 1-0, kontra University of the East.

6 koponan nagbabalak ligwakin ang PVL; lilipat daw sa bagong liga?

Nagawang mapigil ng Maroons ang Blue Eagles' rookie sensation na si Jarvey Gayoso na mayroon ng tatlong goal sa torneo.

"We are aware of the threat ni Gayoso. That's why yung main focus namin in defense was to control their counter-attacks," pahayag ni UP coach Anto Gonzales.

"We are also a victim of their fantastic set plays in the past so we are very aware and prepared for it," aniya.

Hindi nakalaro ang national U19 players ng Maroons na sina JB Borlongan at Christian Lapas sa ikalawang sunod na pagkakataon, ngunit hindi nila ininda ang pagkawala ng dalawa.

"That's the luxury that we have that we have a deep line-up. I think quality siya, that's nice with our team," paliwanag ni Gonzales.

Nagsalo sa ika-anim na puwesto ang Ateneo at Adamson na kapwa mayroon ngayong tig-3 puntos. (Marivic Awitan)