HINDI itinuloy ang paglilitis sa akin na ayon sa pag-iimbestiga, inakusahan ako ng subversion. Pinakawalan ako noong Marso 4, 1972, ngunit napakaraming kondisyon. Una, hindi ako makalalabas ng Maynila ng walang pahintulot mula sa Camp Crame. Ikalawa, ipinagbawal ang pagtatangan ko ng labor cases. Noong mga panahong iyon, ako ang abogado ng Squibb Philippines, MBC Broadcasting, Channel 11, at ng Eternit Corporation.

Wala umanong krimen noon. Paano, walang nakakaalam kung ano ang nangyayari sa bansa maliban sa sinasabi ni Marcos.

Ipinasara niya ang media at kongreso sa pamamagitan ng mga sundalo. Pero, malalaman mo na magulo ang bansa sa dami ng reklamong tinatanggap ng mga sundalo sa Crame. Kasi, pati ang isang sarhento ay biglang naging hukom at dumidinig na ng kaso. Kung tama o mali ang reklamo, ipinakukulong ang inirereklamo.

Pero kahit paano, umaabot sa amin ang balita ukol sa mga pinapatay, dinudukot at pinahihirapan sa iba’t ibang dahilan. Naging epektibo ang tinawag na “underground media” na ang balita ay nakalathala sa mga xerox at memograph na papel. Upang huwag kumalat ang mga balita, bumuo ng dekreto si Marcos na ipinagbabawal ang pag-uusap at pagbabalita ng mamamayan at pinarurusahan ito bilang “rumor-mongering”.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Pero kahit kailan, hindi tatagal ang pang-aapi. Nanguna sa hanay na lumaban sa diktadura ang mga mag-aaral, manggagawa, at magsasaka. Naglakas-loob silang ipagsigawan ang kanilang dinaranas na kaapihan na ang kabayaran ay kanilang buhay. Bago pa pinatay si Ninoy, napakarami nang nagbuwis ng buhay. Ang EDSA shrine ay kulang para dakilain sila.

Ang puwede kong ipagmalaki ay nakasama ako sa kauna-unahang strike na naganap sa panahon ng martial law sa Distelleria Limtuaco sa EDSA. Kasama ako ng mga manggagawa nang mag-alsa sila laban sa hindi magandang kondisyon ng paggawa sa Valenzuela. Parang kabuteng nagsulputan ang mga welga sa bayang ito dahil na rin sa pagpaslang sa mga manggagawa sa picket line.

Nagtungo ako sa Korte Suprema para ipabuwag ang Secret Marshals at Crimebusters na nilikha ni Marcos laban umano sa mga hold upper sa loob ng mga publikong sasakyan. Kasi, walang araw na lumilipas na walang mga bangkay na nakahambalang sa mga kalye. Ang naririnig mo lang ay ang impit na pagtangis ng kanilang naulila na hindi makakuha ng katarungan para sa kanilang namatayan dahil ang mga secret marshal ay lisensiyadong pumatay. Anupa’t sa panahon ng martial law, umapaw ang dugo at luha sa ating bayan, naghirap ang mamamayan, samantalang ang ilan ay nakahiga sa rangya at yaman. (RIC VALMONTE)