1456333637609 copy

MAKATUTULONG sa mga bata na makakuha ng mas mataas na grado, lalo na kapag may kinalaman sa memorization, ang pag-eehersisyo habang nagsasagawa ng lesson sa loob ng paaralan, ayon sa isang pag-aaral.

Upang maging matagumpay ang pag-aaral, nakipagtulungan ang mga researcher sa 5,000 bata na nasa Grade 2 at Grade 3, binigyan nila ang kalahati sa mga ito ng lesson habang ang natira naman ay binigyan ng instruction na may kasamang physical activity na may kaugnayan sa Math at Language subject.

Makalipas ang dalawang taon, ang mga batang sumailalim sa physically active lessons ay nakakuha ng mas mataas na grado sa Math at spelling kumpara sa mga batang hindi sumailalim sa physical activities.

ALAMIN: Mga dapat malaman at gawin upang maging ligtas sa ‘tsunami’

“Previous research showed effects of recess and physical activity breaks,” ayon sa lead study author na si Marijke Mullender-Wijnsma, ng University of Gronigen sa The Netherlands.

“However, we think that the integration of physical activity into academic lessons will result in bigger effects on academic achievement,” dagdag ni Mullender-Wijnsma sa pamamagitan ng email.

Upang malaman ang kaugnayan ng ehersisyo o physical activities sa mas malusog na pag-iisip, binuo ni Mullender-Wijnsma at ng kanyang mga kasamahan ang isang curriculum na tugma sa typical na lesson sa academic subject ngunit dinagdagan ng physical activity bilang parte ng instruction. Sinubukan nila ito sa 12 elementary school.

Ang lesson ay binubuo ng paulit-ulit na ensayo na sinamahan ng paggalaw ng katawan. Halimbawa, ang mga bata ay tatalon nang walong beses para sagutin ang multiplication problem na 2x4.

Ang mga batang kabilang sa exercise group ay tatanggap ng 22 linggong instruction tatlong beses sa isang linggo sa loob ng dalawang taon. Ang kanilang lesson ay tatagal ng hanggang 30 minuto, na hinahati sa Math at spelling.

Gayunman, hindi nakitaan ng epekto ang ehersisyo pagdating sa pagbabasa. Posibleng dahil ang physical activities ay mas epektibo sa mga pag-aaral na may kinalaman sa repetition, memorization, ayon sa mga researcher.

Fox News