ronda copy

Ikalawang stage win, inilista ni Morales sa Ronda Pilipinas.

MANOLO FORTICH, Bukidnon – Mabato at umaalimpuyong alikabok ang bumulaga kay Jan Paul Morales sa kahabaan ng paglalakbay sa Dahilayan Forest Park dito.

Ngunit, pinatatag ng panahon ang katauhan ng Philippine Navy-Standard Insurance skipper kaya’t walang balakid na naitawid ng 30-anyos ang 21.7-kilometro Individual Time Trial Stage Four at sementuhan ang dominasyon sa Mindanao Leg ng LBC Ronda Pilipinas.

Classic movie ‘Ipaglaban Mo!’, ipinalabas ng CCP bilang kampanya vs VAWC

Naisumite ni Morales ang tiyempong 48 minuto at 26.69 segundo laban sa nagbabantay na lamang na kasanggang sina Lloyd Lucien Reynante at two-stage winner Ronald Oranza para angkinin ang ikalawang stage victory at kunin ang korona sa taunang cycling marathon na hatid ng LBC at LBC Express.

Matapos ang apat na stage, nakatipon si Morales ng kabuuang 49 na puntos, may 14 na puntos ang bentahe kay Oranza (35), nagwagi sa stage 1 at 2. Kakailanganin na lamang ni Morales na tumapos sa ikalimang puwesto sa ilalargang Final stage (criterium) bukas sa Malaybalay, Bukidnon.

“It just need to play it safe,” sambit ni Morales, pambato ng Calumpang, Marikina.

“Kaya na natin ito, dahil paborito natin ang ITT,” aniya, patungkol sa ikalima at huling stage ng Mindanao Stage.

Winalis muli ng Navy Team ang karera matapos pumangalawa si Joel Calderon sa tiyempong 48:33.63, habang bumuntot si Oranza sa 49:33.13.

Inokupa ang ikaapat hanggang ika-10 puwesto nina El Joshua Carino (50:17.13), Ronnilon Quita ng Team LBC (50:17.77), Daniel Ven Carino (50:43.51), Lloyd Lucien Reynante (50:45.63), James Paolo Ferfas ng Team LCC Lutayan (51:22.62), Peter Gregorio ng Team PCC (52:06.50) at Rudy Roque (52:27.18).

Nakamit naman ni Ferfas ang MVP Local Leader sa Stage 4 para masungkit ang tatlong puntos kasunod si Gregorio na nakapagtipon ng dalawang puntos habang ikatlo si Jhon Mark Camingao na may isang puntos.

Dahil sa panalo, napaangat ni Morales ang hawak sa overall classification na may 49 na puntos, kasunod si Oranza (35) at pangatlo si Reynante (30). Nasa ika-apat si Daniel Carino (30) kasunod si Roque (26).

Nanatiling hawak ni Reynante ang King of the Mountain na may 10 puntos, kasunod sina Morales (8) at Roque (6) habang ang Overall Sprint King ay bitbit ni Morales sa natipon na 3 puntos kasunod si Reynante at El Joshua Carino (1).

Kukumpletuhin ang Mindanao leg ng 158.32-km Stage Five criterium na sanctioned ng Philcycling sa pakikipagtulungan ng Manny V. Pangilinan Sports Foundation, Petron at Versa Radio-Tech 1 Corp., Maynilad at NLEX. (ANGIE OREDO)