MALIBAN sa pagpapanumbalik ng kalayaan sa pamamahayag sa bansa, wala akong makitang makabuluhang dahilan upang ipagdiwang ang ika-30 anibersaryo ng People Power. Ang press freedom na tinatamasa natin ngayon ay kaakibat ng pagbangon ng demokrasya na nilumpo ng diktadurya. Ang kalayaang ito ang naglantad sa mga katotohanang walang dapat ikagalak sa paggunita ng isang okasyong puspos ng kabalintunaan.
Isinasaad sa mga ulat na ang selebrasyon ngayon ay tinatampukan ng maluhong pagtatanghal ng sinasabing mga pagbabago sa kasalukuyang administrasyon. Taliwas sa paniniwala ng higit na nakararami, kabaligtaran ito ng tunay na diwa ng People Power na nilahukan ng mga simple at walang pagkukunwaring mamamayan.
Lagi kong pinananabikang masaksihan ang isang pagdiriwang na nakalundo sa pagpapahalaga sa makabayang pakikipagsapalaran nina dating Presidente Fidel Ramos at Senador Juan Ponce Enrile. Sila ang key players sa matagumpay na EDSA bloodless revolution; sila ang kumalas sa liderato ni dating Presidente Marcos upang maibalik ang kalayaang sinikil ng diktadurya. Naging dahilan ito ng pagkakatalsik sa naturang rehimen na matagal na panahon din naman nilang kinaaniban.
May mga dahilan kung bakit ang nabanggit na mga bayani ng EDSA People Power ay mistulang tumalikod sa paggunita sa naturang okasyon. Hindi nila madama ang tunay na diwa ng ipinaglaban nilang mga simulain. Katunayan, si Enrile ay kumalas na kaagad sa panunungkulan pa lamang ni dating Presidente Cory Aquino.
Maging ang maraming mamamayan ay laging nagkikibit-balikat tuwing sumasapit ang nabanggit na okasyon. Hindi nila makita ang mga pagbabago na ipinangangalandakan ng kasalukuyang administrasyon. Talamak pa rin ang mga kapalpakan na nagiging dungis sa ipinagmamalaking maayos na pamamahala. Nagaganap ang mga katiwalian sa PDAP at DAP at iba pang transaksiyon ng gobyerno na tulad ng masalimuot na LRT/MRT contracts. Talamak ang rice at agricultural crop smuggling at hindi ganap na nasusugpo ang problema sa illegal drugs at gambling. Bukod pa rito ang walang patumanggang patayan ng mga kapwa Pilipino. Kaliwa’t kanan ang pagpaslang sa mga miyembro ng media.
Ito ba ang tunay na diwa ng EDSA People Power? Dapat ba itong ipagdiwang? (CELO LAGMAY)