Patay ang isang dalaga makaraan siyang hatawin sa ulo ng kanyang bayaw gamit ang isang matigas na bagay sa hindi pa batid na dahilan, matapos na matagpuan ang kanyang bangkay sa ilalim ng kama sa inuupahan niyang bahay sa Pasay City, nitong Martes ng gabi.

Kinilala ni Pasay City Police chief, Senior Supt. Joel Doria ang biktimang si Merlyn Losano, 19, walang trabaho, tubong Masbate, ng Humilidad Street, Barangay Zone 1, Pasay.

Sumuko naman sa Valenzuela City Police si Marlon Balanza, 35, may asawa, at sasampahan ng murder sa Pasay City Prosecutor’s Office.

Dakong 9:00 ng gabi nang nadiskubre ng mga opisyal ng barangay ang duguang bangkay ni Losano, matapos puwersahing buksan ang pintuan ng bahay nito.

Marcoleta, pinigilang magtanong tungkol sa proposed ₱6.352-trillion 2025 nat'l budget

Nauna rito, nag-text ang suspek sa kanyang misis na si Lovely Balanza, 38, at sinabing napatay niya si Losano, kaya pinuntahan ni Lovely ang biktima.

Natagpuan si Losano na nakasubsob sa ilalim ng kama, wala nang buhay, at may malalim na sugat sa ulo.

Hinihinalang may relasyon ang biktima at ang suspek, pero itinanggi ito ng huli. (Bella Gamotea)