SA unang pagkakataon, nagkaharap-harap ang limang kandidato sa pagkapangulo na ginanap sa Cagayan de Oro City.
Inilahad nina VP Jojo Binay, Sen. Miriam Defensor-Santiago, Mayor Rodrigo Duterte, Sen. Grace Poe, at ex-DILG Sec. Mar Roxas ang kanilang plataporma-de-gobyerno, na may kinalaman sa ekonomiya, kahirapan, peace and order, drugs, China, at iba pa.
Kumbaga sa produkto o paninda, makikilatis at masusuri ng mahigit 50 milyong botante kung sino sa mga presidentiable ang amoy-lupa na, bilasa (kumbaga sa isda), panis (kumbaga sa ulam) at sariwa (o bubot pa kumbaga sa prutas). Mga kababayan, kayo ang pumili sa kanila na gusto raw maglingkod sa kanilang “Boss”, este bayan pala.
Mapapansin na tanging si Sen. Grace ang nakatuon nang husto sa problema sa kuryente sa Mindanao na ngayon ay ginigiyagis ng brownout sa maraming lugar. Ang Mindanao ang “food basket” ng bansa at malaki ang ambag sa ekonomiya ng ‘Pinas. Hindi ko tuloy maiwasang banggitin ang pahayag ni Meralco spokesman Joe Zaldarriaga tungkol sa mga detalye at batayan ng computation sa generation charge at iba pang pass-through charges para sa billing month ng Pebrero na isinumite sa Energy Regulatory Commission (ERC).
Ipinaliwanag ng Meralco ang “relevant supporting documents,” bilang tugon sa ERC order na ipaliwanag ng kumpanya ang P0.42 per kilowatthour (kWh) na pagtataas ng singil sa buwang ito. Nilinaw ni Zaldarriaga na kung tumaas ang singil sa kuryente ngayong buwan, nagkaroon naman ng P 2.28 per kWh na pagbababa sa nakalipas na 9 na buwan. Mas mababa raw ng P1.69 per kWh ang kabuuang P8.82 per kWh na halaga ng kuryente ngayong Pebrero kumpara sa halaga noong Pebrero 2015. Mas mababa rin umano ang halaga ngayong buwan kung ihahalintulad sa halaga noong Pebrero 2010 na umabot sa Php 9.03 per kWh.
Dagdag ni kaibigang Joe: “Tumaas ang halaga ng generation charge ngayong buwan dahil ito ay nag-‘normalize’ matapos magkaroon ng one-time adjustment noong nakaraang buwan”. Mababa ang generation charge noong Enero matapos magkaroon ng ‘true-up’ o aplikasyon ng one-time adjustment base sa reconciliation ng outage allowances ng ilang planta para sa taong 2015.
Bukod pala sa generation charge, tumaas ang halaga ng transmission, taxes, at iba pang singilin sa bill. Ayon kay Joe, ang distribution, supply at metering charges ng Meralco, na tanging bahagi ng bill na napupunta sa kumpanya, ay di nagkaroon ng pagbabago. (BERT DE GUZMAN)