Naitala ni Rio Olympics qualifier Eric Cray ang Games record sa preliminary round, ngunit banderang-kapos sa finals, sapat para makuntento sa bronze medal sa 60-meter run ng 2016 Asian Indoor Athletics Championship sa Doha, Qatar.

Humarurot ang 27-anyos US-based Fil-Am sa bilis na 6.57 segundo sa semi-final race para makuha ang top position sa finals. Subalit, naungusan siya ni Hassan Taftian ng Iran na bumura rin sa nagawa niyang record sa bilis na 6.56 segundo para sa gold medal.

Nasungkit ng isa pang Iranian na si Reza Ghasemi ang silver medal (6.66). Nakarating sa finish line si Cray sa tyempong 6.70 segundo.

Ang Texas-native ang kauna-unahang Pinoy na naka-qualify sa Rio Games sa Agosto 5-20 nang manalo ng bronze medal sa 400-m hurdles sa US Olympic Trials noong Nobyembre.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Samantala, nakatakda ring sumabak si pole vaulter EJ Obiena sa naturang torneo kung saan target niyang makaabot sa Olympic standard ng pole vault event.

Kakailanganin ni Obiena, pambato rin ng University of Santo Tomas sa UAAP, na maabot ang Olympic standard na 6.70 metro. Kamakailan, naitala niya ang bagong National record na 6.57.