SUMAPIT na tayo sa Ikalawang Linggo ng Kuwaresma. Layunin ng Mahal na Araw na ihanda ang mga komunidad ng Kristiyano sa Pagkabuhay, ang panahon kung kailan, batay sa sinaunang kasaysayan ng Kristiyanismo, ang mga taong nagpahayag ng kagustuhang mabinyagan at sumailalim sa panahon ng paghahanda na kinakailangan sa pagbabautismo, ay binibinyagan bilang mga kasapi ng Simbahan, ang milagrosong kinatawan ni Kristo. Ang mga pagbasa at pananalangin sa buong banal na panahong ito ay sumasalamin sa kahandaang tanggapin ang Nabuhay na Hesukristo sa ating mga buhay at talikuran ang dati nating mga gawi at buong-pusong yakapin ang bago nating buhay kasama si Hesus.

Mapakikinggan natin ngayon sa pagbasa ang salaysay ni Marcos tungkol sa pagbabago ng anyo ni Hesus sa Bundok ng Tabor. Sa tuktok ng bundok, biglang lumabas si Hesus sa kanyang mapaghimalang anyo katabi sina Elijah at Moises.

Umalingawngaw din ang tinig ng Diyos Ama: “Ito ang aking minamahal na anak, na labis kong kinalulugdan; pakinggan ninyo siya.”

Sa bisa ng ating binyag, nakibahagi tayo sa misyon ni Hesus. Naging tagapagmana tayo ng kaharian dahil tayo ay mga minamahal na anak ng Diyos, gaya ni Hesus. Sa ating binyag, tinatanggap tayo ng Simbahan sa komunidad ng mga banal dahil tayo ay kabahagi ng Simbahan, isang pamilya ng Diyos. Ang binyag ay ang sakramento na ang ating pagiging mga anak ng Diyos ay napagtitibay at tinatanggap tayo sa isang komunidad ng mga tagapagmana ng Kaharian ng Diyos.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Tinanong si Hesus ng mga apostol na nakasaksi sa kanyang pagbabago: “Mainam na narito kami…Magtatayo kami ng tatlong matutulugan—isa para sa ‘yo, isa para kay Moises, at isa para kay Elijah.” Ngunit iginiit ni Hesus na magbalik sila sa kani-kanilang lugar at ipagpatuloy ang pagtatrabaho. Malinaw na gusto lamang ni Hesus na ipakita sa kanila kung ano ang naghihintay sa kanya kapag naisakatuparan na niya ang misyon na ipinagkatiwala sa kanya ng Diyos Ama.

Kabahagi tayo sa misyon ni Kristo sa mundo. Kung mananatili tayong nakatuon sa ating misyon at bokasyon, tayo rin ay makararanas ng kaluwalhatian ni Kristo. Bilang mga anak ng Diyos, ang espiritu ng Diyos na tinanggap natin sa binyag at kumpil ang magbibigay sa atin ng tapang at katatagan upang isakatuparan ang ating misyon. Nakasaad sa Pastoral Constitution on the Church in the Modern World ng Second Vatican Council: “The Christian way of life is living as a son or daughter of God. Christ lives within us, with all our flaws, brokenness, and limitations. We live an ethical life not because we are committed to ethics but rather because we are committed to Christ and to living for God in Christ by the power of the Holy Spirit.”

Nawa’y ang panahong ito ng Kuwaresma ay maging pagkakataon upang suriin natin ang ating mga pamumuhay at pagnilay-nilayan ang ating ipinangako sa binyag na magiging mga tagasunod ni Hesukristo. Sa Eukaristiya, nagtitipun-tipon tayo bilang iisang komunidad ng mga binyagang Kristiyano—mga minamahal na anak ng Diyos na nagpupuri sa Ama ni Hesus na naisakatuparan ang kanyang misyon sa lupa sa pagsasakripisyo ng sarili niyang buhay. Maging inspirasyon nawa ang pagmamahal na ito ni Hesus upang maisakatuparan din natin ang sarili nating misyon. Manalangin tayo sa Espiritu Santo na patuloy tayong pagkalooban ng lakas at katatagan upang maisakatuparan natin ang ating misyon na maipadama ang kaharian ng Diyos sa kasalukuyan nating daigdig.