Hindi na nakapalag ang limang pinaghihinalaang miyembro ng isang sindikato, na nasa likod ng pagpapakalat ng mga pekeng US dollar sa Mindanao, nang posasan sila ng mga pulis na sumalakay sa kanilang pinagtataguan sa Valencia City, Bukidnon.

Kinilala ni Director Victor Deona, hepe ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), ang mga naaresto na sina Michael Paler, 38; Marlou Vasquez, 63; Antonio Besin, 27; Dan Adolph Vasquez, 44; at Glyn Perater, Jr.

Armado ng search warrant, sinalakay ng mga operatiba ng CIDG ang hideout ng mga suspek sa Barangay Poblacion, at nasamsam doon ang mga pekeng US dollar bill na nagkakahalaga ng P4.5 milyon.

“Our operatives in Bukidnon, along with representatives from Bangko Sentral, seized 97 pieces of US Dollar Bills which is equivalent to P4.5 million,” ani Deona.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Sinabi ni Supt. Romeo Balerso, regional chief ng CIDG-Northern Mindanao, na nakatanggap sila ng impormasyon mula sa dalawang sibilyan hinggil sa umano’y pinag-iimbakan ng mga pekeng US dollar, na ang karamihan ay ibinebenta sa mga turista sa Mindanao.

Gamit ang marked money, nagsagawa ng entrapment operation ang mga operatiba ng CIDG kaya nakumpiska ang mga pekeng dolyar, tatlong motorsilo, at isang .45 caliber pistol mula sa mga suspek. (Aaron Recuenco)