COTABATO CITY – Nabawi ng pinagsanib na puwersa ng pulisya at militar ang dalawang biktima ng kidnapping sa Cagayan de Oro City sa rescue operation na napaulat na ikinamatay ng isa sa mga suspek, habang tatlong kasamahan nito ang nasugatan, nitong Biyernes ng gabi sa Marawi City, iniulat kahapon.

Ayon sa report, nasugatan din sa engkuwentro ang isa sa mga operatibang nagsagawa ng rescue operation dakong 7:20 ng gabi nitong Biyernes, sa national highway ng Barangay Matampay sa Marawi City.

Batay sa ulat ng Marawi City Police, kinilala ang mga biktima na sina Josh Dy at Dianara Bojo, kapwa miyembro ng business community ng Cagayan de Oro.

Sa paunang imbestigasyon, sinabi ni Supt. Roel Lami-ing, bagong hepe ng Marawi City Police, na ipinaalam ng mga concerned na residente sa awtoridad sa Cagayan de Oro City ang tungkol sa pagbabayad ng ransom ng mga kaanak ng mga biktima at ang nakatakdang pagpapalaya sa mga ito sa isang lugar sa Lanao del Sur.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Kasama ang grupo ng militar, sinundan ng surveillance police agents ng Cagayan de Oro City ang Toyota Tamaraw FX van na sinakyan ng mga biktima at ng limang suspek hanggang sa Marawi City.

Matapos na maalerto, hinarang ng mga tauhan ng pulisya at ng Marawi City anti-kidnapping group (AKG) ang sasakyan sa Bgy. Matampay at nagsimulang magpaputok ang mga suspek.

Sinabi ni Lami-ing na dahil sa engkuwentro ay napatay ang isa sa mga suspek na si Jun Nasher Barao, 35, ng Madalum, Lanao del Sur, at nasugatan ang tatlong iba pa na kinilalang sina Deleon S. Gumagadong, Michele Awtin Mercedez, at Mante Sultan Maca-antal.

Ayon pa kay Lami-ing, agad na naisugod sa ospital ang mga sugatang suspek, gayundin si PO3 Jeremy Rivera, ng Cagayan de Oro City Police-Crime Investigation Unit.

Nabawi mula sa mga suspek ang nasa P500,000 cash na pinaniniwalaang bahagi ng ransom, iba’t ibang baril at isang granada, ayon sa police report. (ALI G. MACABALANG)