UPANG mabigyang-diin ni Congressman Manny Pacquiao ang kanyang posisyon laban sa same-sex marriage, inihalintulad niya ang tao sa hayop. Sa panayam sa TV5 “Bilang Pilipino” election coverage, common sense daw na walang hayop na nakikipag-sex sa kapwa niya lalake o babae. Kaya aniya, masahol pa sa hayop ang taong nakikipagrelasyon sa kapareho niya ng kasarian.
Dahil umani ng matinding batikos ang kongresista sa naging pahayag niya, humingi siya ng paumanhin. Wala raw siyang intensyong saktan ang LGBT (lesbian, gay, bisexual, transgender) community, pero, pinaninindigan niya ang paniniwalang ito dahil ito ay tama at naaayon sa Bible. Pero, ang Bible ang nagsasabi na “Huwag kang padalus-dalos sa iyong pananalita at huwag mong hayaang agad-agad mangusap ng kahit ano ang iyong puso sa harap ng Diyos.”
Hindi naman problema kung ilabas mo ang iyong saloobin sa isyung mahalaga sa bayan lalo na nga at nag-aambisyon ka pang maging senador. Kahit sino ngang mamamayan ay may karapatang gawin ito. Ang hindi maganda ay iyong paraan kung paano mo inihayag ang pagtutol mo sa isyu. Marahil nangyari ang hindi inaasahan ni Pacquiao para magabayan siya kung saan siya nararapat. Nang siya ay maging kongresista, nabatid na niya ito. Katunayan nga, bihira siyang dumalo sa mga sesyon ng mababang kapulungan ng Kongreso. Kaya, sa mga isyung tinalakay dito, walang naiambag at nalaman ang mamamayan ng Saranggani na kanyang kinakatawan.
Mundo ang namamagitan sa boxer at mambabatas. Nagwawagi ang boxer sa pamamagitan ng lakas. Ginagamit lang nito ang isip sa panahong nakikipaglaban na ito.
Ang mambabatas, iyong tapat sa kanyang tungkulin, ay puro isip ang pinagagana. Napakahalaga ang kanyang sinasabi.
Itinataguyod at ipinagtatanggol niya ang kapakanan ng bayan sa paggawa ng batas. Ang ipinagtatanggol ng boxer ay ang kanyang sarili kapag siya ay nasa loob na ng ring. Kapag siya ay nanalo, ang premyo ay sa kanya maliban sa buwis na ibinabayad niya. Higit sa lahat, ang makasusunod sa Bible, kung gugustuhin ay ang mambabatas at hindi ang boxer kahit gustuhin man niyang gawin ito. (RIC VALMONTE)