SA darating na Marso 1, mag-iisponsor ang pamahalaang panlalawigan ng Aklan ng climate change summit na lalahukan ng mga lider mula sa iba’t ibang sektor.

Magkatuwang itong pangungunahan nina Dr. Allen Salas Quimpo, chairman ng Aklan River Development Council, at Engr. Roger Esto, direktor ng Aklan Provincial Planning and Development Board.

Layunin ng summit na ipabatid sa mga lider ng Aklan ang mga isyung kaugnay ng climate change at alamin ang mga polisiya at programa upang malabanan ng probinsiya ang lumalalang phenomenon.

Samantalang sentro ng atensiyon at simpatiya ang Leyte at Samar matapos manalasa ng bagyong ‘Yolanda’ noong Nobyembre 2014. Tunay ngang nagdusa ang Aklan sa unos. Nararamdaman na ng Aklan ang malupit na epekto ng El Niño na isa na namang dimensiyon ng climate change. Inaasahan na magiging mabunga ang summit at magreresulta sa mga programa upang makamit ang makabuluhang kaunlaran.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Walang duda na naging inspirasyon ng Aklan Climate Change Summit ang malikhaing pamamaraan ni Albay Gov. Joey Salceda sa climate change adaptation sa loob ng siyam na taon.

Bago pa man mabatid ang ideya ng climate change, madalas na ang pagbayo ng mga bagyo sa Albay, pati na ang pagsabog ng Mayon Volcano. Pinalalala ng climate change ang lagay ng Albay kaya’t kailangang mag-isip ni Salceda ng mga paraan at estratehiya upang tugunan ang suliraning ito. Pinamunuan niya ang pagbuo ng mga programa katulad ng Climate Change Adaptation (CCA) at Disaster Risk Reduction (DRR) na nakapukaw ng pansin ng United Nations kung kaya iprinoklama ng huli ang Albay bilang CCA-DRR global model at kinilala naman bilang Senior Global Champion si Salceda.

Sa ilalim ng CCA at DRR, nagsikap ang Albay para sa naaangkop na mga programa sa turismo at kaunlaran sa imprastruktura at iba pa, kaya ang lalawigan ay hindi lamang nakatuon sa climate change at kapahamakang dulot nito, kundi makabangon din mula sa pagiging api-apihan ng mga kalamidad at matamo ang kahanga-hangang kapakinabangan sa ekonomiya sa loob ng isang dekada. (JOHNNY DAYANG)