RIO DE JANEIRO (AP) — Hindi kabilang si dating world No. 1 Rafael Nadal sa natatakot sa pesteng Zika virus.
Ipinahayag ni Nadal nitong Lunes (Martes sa Manila) na hindi siya nababahala sa naturang virus na patuloy na lumalaganap sa mga bansa sa Latin America, kabilang ang Brazil, at iginiit na lalaro siya sa Rio Open tennis championship ngayong linggo, gayundin sa Olympics sa Agosto.
Si Nadal ang kampeon sa 2008 Beijing Olympics, ngunit hindi siya nagakapaglaro bunsod ng injury noong 2012 Games sa London.
“I’m doing the things the people have told me,” pahayag ni Nadal sa press conference para sa Rio Open. “I’m going out at night. I’m not scared. I’m not worried about this. If it happens, it’s bad luck.”
Ang pamosong Spaniard Grand Slam champion ang top-seeded sa torneo, habang ang kababayang si David Ferrer ang No. 2.
Kapwa, umaasa ang dalawang star player na masusugpo ang paglaganap ng naturang virus sa mas mabilis na panahon.
Batay sa pagsusuri, ang Zika virus ay nakakaapekto sa pagkakaroon ng depekto ng mga sanggol kung kaya’t ipinagbabawal sa mga buntis ang pagbiyahe sa mga bansang may mga kaso ng naturang virus.
“I don’t know how serious the situation is. I see people living here totally normally. I see people on the streets, on the beach and in the restaurants. Things are going on like normal,” ayon kay Nadal.
Sa kasalukuyan, puspusan ang ginagawang programa ang pamahalaan para masira ang pinamumugaran ng mga lamok at masugpo ang paglaganap pa ng Zika virus bago ganapin ang Olympics sa Brazil sa Agosto 5-20.
Malaking isyu ang Zika virus sa paghahanda ng Olympics, higit sa mga babaeng atleta. Nauna nang nagpahayag ng pagaalala at posibilidad na hindi paglahok sina London Olympics swimming medallist Mireia Belmonte ng Spain, gayundin si US soccer team captain Hope Solo.
“I would not attend the Olympics if my health is at risk,” sambit ni Belmonte.
Iginiit naman ni Solo na “if the Olympics were today, I would not go.”