SILAY CITY, Negros Occidental - Habang umiinit ang pangangampanya, walang tigil din ang pagbatikos sa mga presidential candidate tungkol sa iba’t ibang isyu, partikular na si Liberal Party standard bearer Mar Roxas na pinuputakti ngayon ng puna dahil sa paggamit ng private plane na pag-aari ng isang umano’y sangkot sa ilegal na pagmimina.
“Sa mga nagtatanong hinggil sa eroplanong gamit ko, simple lang ang sagot ko: Hindi ito libre, hindi ito kapalit ng ano mang pabor, at hindi ko ito ginagamit upang humingi ng pabor sa isang tao,” pahayag ni Roxas sa media.
“Binayaran ko ito (rental),” giit niya.
Tiniyak din ni Roxas na ni isang sentimo ng pondo ng bayan ay hindi niya ginamit sa pag-upa sa private plane na kanyang ginagamit ngayon sa pangangampanya.
Ito ay bilang reaksiyon sa mga batikos na si Roxas ay protektor ng ilegal na pagmimina dahil ang may-ari ng naturang eroplano ay ang negosyanteng si Eric Gutierrez na may kaugnayan sa pagmimina sa Mindanao.
“Kilala ko siya (Gutierrez) at siya ay aking kaibigan. As far as I know, he is a winner in contest both international and local in terms of good management of his company,” ani Roxas.
Sinabi ni Rep. Barry Gutierrez, LP campaign spokesman, na handa silang ipakita sa publiko ang lease agreement at resibo ng kabayaran sa pag-upa ng partido sa eroplano ng negosyante.
Samantala, hinamon din ni Roxas ang ibang kandidato sa pagkapangulo na isapubliko ang may-ari ng mga private plane at helicopter na kanilang ginagamit sa pangangampanya sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
“Now that I have already answered the questions on the use of that plane, how about the other candidates? I think it is but fair to ask them the same question,” hamon ni Roxas. (AARON RECUENCO)