ANG Libya ay isang bansa sa rehiyon ng Maghreb sa North Africa. Sa hilaga, nahahanggan ito ng Mediterranean Sea, Egypt sa silangan, Sudan ang nasa timog-silangan, Chad at Niger ang nasa timog, at matatagpuan naman sa kanluran nito ang Algeria at Tunisia. Ang kabisera at pinakamalaking siyudad nito ay ang Tripoli, na matatagpuan sa kanlurang Libya. Ang isa pang malaking lungsod ay ang Benghazi, na nasa silangan naman ng Libya.
Ipinagdiriwang ngayon ng mamamayan ng Libya ang isang pampublikong holiday na tinatawag na “February 17th Revolution Day” o “Libyan Revolution Day”, na itinuturing na bahagi ng Arab Spring, ayon sa kasaysayan. Ginugunita sa okasyon ang pagsisimula ng Libyan Civil War na nagwakas sa rehimen ni Muammar Gaddafi.
Nagsimula ang rebolusyon sa mga kilos-protesta sa siyudad ng Benghazi noong Pebrero 15, 2011. Gayunman, Pebrero 17 ang opisyal na petsa na kinikilala ang pagsisimula ng digmaan. Ang araw na ito ay tinatawag din na “Day of Rage.”
Noong Pebrero 17, 2011, naglunsad ng mga armadong protesta sa Benghazi, Zintan, Derna, Bayda, at Ajdabiya. Tumagal ng mahigit walong buwan ang Libyan Civil War. Nadakip si Muammar Gaddafi at napatay noong Oktubre 20, 2011.
Makalipas ang tatlong araw, opisyal na nagwakas ang digmaan. Ang anibersaryo ng pagsisimula nito ay idineklarang public holiday sa State of Libya.
Hindi karaniwan para sa mga bagong namumuno sa bansa na mag-organisa ng anumang opisyal na selebrasyon sa bansa upang gunitain ang araw na ito, bilang pagbibigay na rin ng respeto sa libu-libong katao na nasawi sa madugong labanan. Gayunman, nagdaraos ng mga paggunita ang mga lungsod at bayan sa bansa, sa pangunguna ng mga residente sa lungsod ng Benghazi, na nanguna sa pag-aaklas laban kay Gaddafi at sa 42-taon nitong pamumuno.
Ang Pilipinas at ang Libya ay may maayos at masiglang ugnayan. May embahada ang Libya sa Maynila, habang nasa Tripoli naman ang embahada ng Pilipinas.
Binabati namin ang mamamayan at gobyerno ng Libya, sa pangunguna nina House of Representative President Aguila Salah Issa at Prime Minister Abdullah al-Thani sa pagdiriwang ng kanilang Libyan Revolution Day.