NANG dumalaw si Sen. Grace Poe sa Marcos Country o Solid North, nagbibiro si Gov. Imee Marcos sa mga reporter na ang magiging resulta ng halalan sa Mayo 9, 2016 ay MARCOS-MARCOS daw. Si Sen. Grace ang magwawagi sa pagkapangulo at si Sen. Bongbong Marcos sa pagka-bise presidente. Tinawag niyang “kabsat” o kaanak ng mga Marcos si Poe at binati pa niya ang senadora ng “my sister” dahil sa matagal na ring usap-usapan na si Amazing Grace ay anak ng kanyang amang si ex-Pres. Marcos sa movie actress na si Rosemarie Sonora. Tinatawag siyang “sis” ni Bongbong sa bulwagan ng Senado. Kaya ang resulta ng May 9, 2016 election ay Marcos-Marcos!
Sinalubong ng mga Ilocano si Poe sa pagdalaw sa Ilocos Norte. Nag-courtesy call siya kay Gov. Imee na naglibot sa kanya sa ilang magagandang tanawin sa lalawigan, kabilang ang mala-disyertong lugar na may bantayog ni FPJ, dahil dito kinunan ang ilang eksena ng pelikulang “Ang Panday”. Pero hindi yata kasama si Sen. Chiz Escudero sa Ilocos Norte.
Itinanggi ni Sen. Grace na siya ang “secret candidate” ni President Aquino. Hindi raw niya alam ito dahil ito nga raw ay isang sikreto kaya hindi niya batid. Ang alam niya, ang anointed one ni PNoy ay si Mar Roxas ng Liberal Party (LP). Ang hinalang siya ang “lihim na kandidato” ng binatang Pangulo ay lumutang nang siya’y dumalo sa ika-56 kaarawan nito sa Malacañang. Sinabi ni Sen. Poe na dumalo siya sa kaarawan dahil inimbitahan siya ng Punong Ehekutibo. Inamin niyang sila ay nananatiling magkaibigan bagamat magkaiba ang paniniwalang pulitikal at paninindigan.
Sa Pilipinas kasi, anyting goes ‘ika nga sa larangan ng pulitika. Sabuyan ng putik, siraan at bintangan ng kung anu-ano upang makaaakit ng boto at makakuha ng simpatiya sa madaling maniwalang mamamayan.
Alam ba ninyong nahilo si Davao City Mayor Rodrigo Duterte noong Huwebes? Magsasalita sana ang machong alkalde sa convention ng mga doktor sa Crowne Plaza Hotel, Ortigas, Quezon City nang biglang sumakit ang ulo sanhi raw ng matinding migraine, ayon kay Sen. Alan Peter Cayetano. Si Duterte ay 70 anyos na.
Si Vice President Jejomar Binay ay 73 anyos na; si Sen. Miriam Defensor Santiago ay 69 na; si Mar Roxas ay 59; at si Sen. Grace Poe ay 47. Minsan ay sinabi ni ex-Pres. Fidel V. Ramos na ang kailangan ngayon ng Pilipinas ay isang medyo bata-bata pang pangulo. Mabigat daw ang tungkulin at pananagutan ng isang pangulo kung kaya dapat siya ay malusog. Si FVR ay 64 anyos nang mahalal na pangulo noong 1992. (BERT DE GUZMAN)