Matagumpay na nairaos ng Commission on Elections (Comelec) ang mock election sa ilang piling paaralan sa iba’t ibang bahagi ng bansa kahapon.
Ito, ayon kay Comelec Chairman Andres Bautista, ay bilang bahagi ng paghahanda para sa national and local polls sa Mayo 9.
Maaga pa lang ay nagtungo na si Bautista sa H. Atienza Elementary School sa Malate, Manila para mag-obserba at tumulong sa paghahanda para sa mock elections, tulad ng pagse-set up ng mga vote counting machine (VCM).
Si Lawrence Panis ang unang bumoto, at inabot siya ng halos 11 minuto.
Ayon kay Bautista, matagal ang naging pagboto ni Panis, dahil target ng Comelec na abutin lamang ng average na dalawa hanggang tatlong minuto ang bawat botante.
Sinabi naman ni Panis na natagalan siya sa pagboto dahil nahirapan siyang mamili ng iboboto dahil hindi siya pamilyar sa mga pangalan sa mock ballot.
Nabatid na kabilang sa mga pangalang nasa balota ay ang Aerosmith, The Jonas Brothers, Queen at ilan pang banda at musician bilang party-list groups.
Tiniyak naman ni Bautista na lahat ng naranasang problema sa mock polls ay sosolusyunan ng Comelec upang hindi na maulit pa sa mismong araw ng eleksyon.
Masaya namang ibinalita ng poll chief na naging maayos ang takbo ng mga VCM sa unang dalawang oras ng botohan at umaasa silang gagana rin ang mga ito nang maayos sa Mayo 9. (Mary Ann Santiago)