TUWING sasapit ang Valentine’s Day o Araw ng mga Puso, tuwing ika-14 ng Pebrero, maraming pamamaraan ang ginagawa upang ipadama ang pagmamahal ng nagmamahal at minamahal. May nagpapadala ng mga bulaklak at tsokolate sa nililigawan, kaibigan at kakilala, at mahal sa buhay. At palibhasa’y nasa panahon na tayo ng maunlad na teknolohiya, ang pagpapadala ng mensahe ng pag-ibig at mga pagbati sa mga minamahal, magulang, kamag-anak, at kakikilala na narito sa Pilipinas at maging sa mga nasa ibang bansa ay naipararating sa pamamagitan ng text message, sa facebook at twitter. Sa mga magkasintahan at magkalaguyo, ang mga motel o hotel naman ang kanilang sanktuwaryo. Doon nila ipadadama ang kanilang pagmahahal. Legal man ito o nakaw na pag-ibig.

Ang Araw ng mga Puso ay isang araw ng pag-ibig. Ngunit anuman ang maging anyo at paraan ng pagpapadama ng pagmamahal, dalawang simbolo ng Valentine’s Day ang nangingibabaw sa simula at sa buong panahon ng pagdiriwang ng Valentine’s Day. Ang mga ito ay ang puso at mga bulaklak, partikular na ang mga pulang rosas. Sa paniwala ng marami, sa puso nagmumula ang lahat ng uri ng damdamin at emosyon tulad ng pagmamahal, kaligayahan, takot, pangamba, galit, hinanakit, at pagtatampo.

Simbolo ng Valentine’s Day ang mga pulang puso at ang mga ito ang karaniwang palamuti at dekorasyon sa mga tindahan, shopping mall at iba pang bsiness establishment kapag sumapit na ang buwan ng Pebrero na kung tawagin ay “Love Month”. May palamuting kambal na puso na tinudla ng pana ni Kupido. Tuhog at nakikita ang mga patak ng dugo na nakadikit sa puso. Base naman sa Griyego, ang rosas ang paboritong bulaklak ni Venus, ang kinikilalang Diyosa ng Pag-ibig ng mga Romano. At ang kulay pula ay nangangahulugan naman ng matinding damdamin at maalab na pagmamahal.

Kahit isang araw lamang ang pagdiriwang ng Araw ng mga Puso, ang mensahe nito na pag-ibig at ang pagbibigay ng regalo tulad ng mga pulang rosas ay nagdudulot sa atin ng lakas upang matagalan ang nakababagot na pang-araw-araw na pangyayari sa iniibig nating Pilipinas. At higit sa lahat, naniniwala ang marami na makukulay na bagay ang pag-ibig.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

At sa doktrina ng Kristiyanismo, ang pag-ibig ay Diyos at ang Diyos ay Pag-ibig. (Clemen Bautista)