KUMUSTA ang puso mo? Malusog pa ba ito at malayo sa heart by-pass operation? Ipinagdiriwang ngayon ang Araw ng mga Puso na mas tinatawag na Valentine’s Day. Dapat nating alagaan ang ating puso sapagkat kapag ito’y napabayaan, titigil ang tibok nito at tiyak na ang may-ari ay tuluy-tuloy sa hukay. At, hindi na makapagsasabi ng “I love you” o “Iniibig kita.”
Ang tunay na mensahe ng Valentine’s Day ay pagmamahalan ng magsing-irog. Gayunman, ang ganitong uri ng pag-ibig ay hindi lamang para sa magkasintahang Romeo at Juliet kundi para rin sa pag-ibig sa nag-iisa nating puso. Alagaan natin ito sa hindi pagkain ng matataba, maaalat at matatamis na pagkain. Mag-exercise tayo araw-araw o kahit tatlong beses sa isang linggo upang ang daloy ng dugo sa ating puso at utak ay maging sagana.
Noong Pebrero 9 (Martes), umarangkada na ang mga kandidato sa pagkapangulo ng Pilipinas na inaasahang lalahukan ng mahigit 50 milyong botante. Sa iba’t ibang lugar nagdaos ng mga proclamation rally o unang sipa ng kampanya ang mga kandidato. Sina Mar Roxas at Leni Robredo ng Liberal Party ay sa Capiz isinagawa ang proklamasyon. Sina Grace Poe at Chiz Escudero ay sa Plaza Miranda; sina VP Jojo Binay at Gringo Honasan ay sa Mandaluyong City; sina Mayor Rodrigo Duterte at Alan Peter Cayetano ay sa Tondo; at sina Miriam Defensor Santiago at Bongbong Marcos ay sa Batac, Ilocos Norte.
Noong Miyerkules (Ash Wednesday) ay nag-umpisa na ang Lenten Season o Mahal na Araw. Sa araw na iyon, hinihiling ng Simbahang Katoliko sa mga mananampalataya na mag-ayuno at tumulong sa pagpapakain ng mahihirap na tao. Nakikiusap si Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle na suportahan ang “Fast2Feed” program ng Simbahan na ang target ay magpakain ng 25,000 malnourished na bata. Layunin ng Fast2Feed program na sana’y mag-ayuno at lumiban ng isang beses na pagkain sa araw na ito at mag-donate ng kahit anong halaga sa Pondo ng Pinoy na itinataguyod ng Archdiocese of Mahila, CBCP news, ang official news service provider ng Catholic Bishops Conference of the Philippines.
(BERT DE GUZMAN)