Sa Abril ngayong taon sisimulang ipamahagi ng gobyerno ang libreng dengue vaccines sa mga estudyante sa mga pampublikong eskuwelahan.
Ayon kay Department of Health (DoH) Secretary Janette Garin, mabibiyayaan ng bakunang Dengvaxia ang mga mag-aaral sa Grade IV sa mga pampublikong paaralan sa National Capital Region, Region III at Region IV-A.
Aniya, magdaraos ang kagawaran ng orientation sa mga magulang at mga guro at hihingiin ang pahintulot ng mga ito para sa aktuwal na vaccine implementation.
Ipinaliwanag din ng kalihim na ginawang prioridad ng DoH para mabakunahan kontra dengue ang mga mag-aaral sa tatlong nabanggit na rehiyon dahil mataas ang transmission rate ng dengue roon.
“Three doses po ito (bakuna). Tuturukan ka ngayon. Pagkaraan ng anim na buwan tapos ‘yung susunod another 6 months po,” ani DoH Spokesman Dr. Lyndon Lee Suy.
Nabatid na ang Dengvaxia, na produkto ng Sanofi Pasteur at pinaglaanan ng P3 bilyon ng gobyerno, ay para sa apat na uri ng dengue. (MARY ANN SANTIAGO)