TALAGA bang hindi na tayo lulubayan ng kamalasan? Hindi na ba matatapos ang pagkalat ng virus sa atin na hindi lamang magdudulot sa atin ng takot? Talaga bang lagi na lang tayong dadapuan ng kung anu-anong sakit na magdudulot sa atin hindi lamang pasakit at pahirap kundi maging kamatayan?
At kamakailan nga lamang, umusbong naman ang pagkalat ng ZIKA virus. Kung sabagay, ayon sa ating mga doktor sa Department of Health (DoH), ang nasabing sakit ay hindi pa naman nakapapasok sa bansa. Pero hindi nila inaalis ang posibilidad na makapasok ito sa bansa sapagkat ang virus na ito ay hindi naman umano nangangailangan ng VISA. At lubhang mapanganib ang Zika virus.
Inilarawan ng World Health Organization (WHO) sa kanilang website na ang Zika virus ay mosquito-borne disease na unang natuklasan sa Uganda na nakita sa mga rhesus monkey. Napag-alamang nakapasok na rin ito sa United Republic of Tanzania at kamakailan lamang ay sa Brazil at sinasabing kumalat na ito sa 22 bansa.
Ang Zika virus ay katulad lamang din umano, ayon sa mga lumabas na balita, ng dengue sapagkat ito ay inihahatid ng infected na Aedes aegypti mosquitoes. At kabilang sa mga sintomas nito ay mild fever o sinat, skin rash at conjunctivitis na tumatagal ng dalawa hanggang isang linggo.
Ang isa sa mga epekto nito ay ang pagdami ng isinisilang na sanggol na may maliit na ulo at sa mga kaso ng Guillain-Barre syndrome ito ay isang kondisyon na inaatake ang immune system na minsan ay nagreresulta sa paralisis.
Ayon sa Department of Justice (DoJ), ang pinaka-epektibong paraan para malabanan ang Zika virus ay ang malinis na pangangatawan at proper sanitation, gayundin ang palaging paglilinis sa mga maaaring pangitlugan ng lamok na ito.
Talagang napakalungkot ng nararanasan ng ating bansa. Pinagsasamantalahan na tayo ng mga nanunungkulan, tambak na ang mga walang hanap-buhay, ang mga nagugutom at hindi nakakapag-aral, talamak din ang shabu at iba pang mga illegal na droga, at ngayon ay dumaragdag pa ang kung anu-anong virus na nagdudulot ng malubhang sakit.
Hindi pa nasusugpo ang dengue, HIV, at kung anu-anong sakit. Nanganganib pa tayong dayuhin ng Zika virus.
Saan na kaya dadalhin ng kapalaran ang kawawang mga Pinoy? (ROD SALANDANAN)