Kalabaw lang daw ang tumatanda. Para sa beteranong si Rolando Ruel, Jr. may katotohanan ang nasabing kawikaan.
Ginapi ni Ruel, Jr., 37, dating miyembro ng Philippine Team at beterano sa international tournament, ang mas nakababatang si Patrick John Tierro, 6-2-61, para sa kampeonato ng Peugeot Philippines Tennis Open (PPTO) Manila leg nitong linggo sa Valle Verde Country Club.
Mainit ang naging simula ni Ruel, Jr., at kaagad na nakuha ang tempo ng laro para daigin ang 24-anyos na karibal at kasalukuyang No.4 sa Philippine tennis ranking sa straight set ng duwelo na tumagal lamang ng halos isang oras.
Maging sa men’s double event, nanaig din ang karanasan laban sa kabataan nang pabagsakin ng tambalan nina National University tennis team coaching staff Ronard Joven at Karl Santamaria ang collegiate player na sina Noel Damian at Davis Alano ng San Beda, 6-4, 7-5.
Sa women’s singles, pinatunayan ni No. 4 Marian Capadocia na mali ang desisyon ng Philippine Tennis Association (Philta) na alisin siya sa National Team ng gapiin si No. 3 Khim Iglupas, 6-0, 2-6, 6-0.
Nakabawi naman si Iglupas matapos magwagi ang tambalan nila ni Shaira Hope Rivera kontra kay Marian at sa nakababatang kapatid na si Jella Jade, 3-6, 6-1, 6-4, sa women’s double finals.
“We’re very pleased with the roster of talented and world class tennis players that have participated in the five qualifying legs conducted nationwide. We are excited to see them up the ante and battle it out at the PPTO finals,” pahayag ni Glen Dasig, Peugeot Philippines President.
Bukod sa tropeo at cash prizes, nakamit din ng mga nagwagi ang slots para sa gaganaping National Finals sa Marso 14-20, sa Valle Verde Country Club.
Ang tatanghaling National Champions ay mabibigyan ng pagkakataon na makarating sa Paris para makapanood ng French Open.