MULING umarangkada si Sen. Grace Poe sa pinakahuling resulta ng Pulse Asia Survey matapos malaman ng mga tao na puwede pala siyang tumakbo sa panguluhan sa Mayo 9, 2016. Nais ng Commission on Elections (Comelec) na idiskuwalipika si Poe ngunit hinarang ito ng Supreme Court (SC) sa pamamagitan ng Temporary Restraining Order (TRO).
Sa SC, mistulang tagapagtanggol niya sina Chief Justice Ma. Lourdes Sereno at Associate Justice Marvic Leonon.
Parang kontra naman sa kanya sina Senior Associate Justice Antonio Carpio, Assoc. Justices Teresita Leonardo-de Castro, at Arturo Brion. Abangan na lang natin ang final say ng SC.
Nanguna rin si Sen. Chiz Escudero sa pagka-bise presidente kasunod si Sen. Bongbong Marcos habang kumakain ng alikabok sa likuran sina Rep. Leni Robredo, Sen. Alan Peter Cayetano, Sen. Gringo Honasan, at Sen. Antonio Trillanes. Nasa likuran ni Sen. Grace sina Vice Pres. Jojo Binay, ex-DILG Sec. Mar Roxas, at Davao City Mayor Rodrigo Duterte na halos magkakapareho ang grado o ang tinatawag na “statistically tied”. Nasa hulihan din si Sen. Miriam Defensor-Santiago.
Ang Pulse Asia Survey ay ginawa noong Enero 24-28 kung saan tinanong ang 1,800 respondent kung sino ang kanilang iboboto kung ang halalan ay gaganapin ngayon. As usual, hindi na naman ako natanong ng Pulse Asia. Nagtamo si Poe ng 30%, VP Binay ay 23%, Roxas at Duterte ay tig-20%.
Lumukso ang ratings ni Poe ng siyam na puntos kumpara noong nakaraang Disyembre na ginigiyagis siya ng patung-patong na DQ case mula kina ex-Sen. Francisco Tatad, defeated senatorial bet Rizalito David, ex-GSIS counsel Estrella Elamparo, at ex-UE dean of law Amado Valdez. Si Binay naman ay bumagsak ng 10 puntos.
May hinala ang political observers na bigla ang pagsikad ng survey ratings ni VP Binay noong Disyembre 2015 dahil sa kanya na pala nagtatrabaho si ex-DILG Sec. Ronaldo Puno.
Tandaan na si Puno ang nakatulong nang malaki sa tagumpay noon ni Fidel V. Ramos laban kay Sen. Miriam Defensor-Santiago. Hinawakan niya ang pagtakbo ni Joseph Estrada kontra ex-Speaker Jose de Venecia Jr. Maging ang tagumpay ni Gloria Macapagal-Arroyo laban kay Fernando Poe Jr. ay kanya ring kredito bunsod umano ng mahusay o tusong pagmamaniobrang-pulitikal. Hanggang ngayon nga ay galit pa si MDS kina Ramos at Puno dahil sa pagkatalo niya sa presidential derby noong 1992.
Nag-PM sa akin ang kaibigang Melo Acuna at isinulat niyang malaki ang pagkakaiba ng “foundling” sa “fondling.”
Palabiro si Melo na anchor-host ng breakfast media forum na “Tapatan” sa Aristocrat. Dahil sa English niya ipinadala ang Facebook PM, sinagot ko siya ng ganito: “True, there is a difference. One was found, and the other one was being fondled.” Eh, papaano ngayon? (bert de guzman)