HANGGANG ngayon, lalong tumitindi ang panggagalaiti ng mga senior citizen, lalo na ang mga Social Security pensioner, dahil sa patuloy na kawalan ng malasakit ng mga mambabatas na baligtarin ang pag-veto ni Pangulong Aquino sa P2,000 dagdag na pensiyon. Matatandaan na ang naturang panukala ay walang kagatul-gatol na ibinasura ni Presidente Aquino sa mga kadahilanang hindi matanggap ng mga nakatatandang mamamayan. Ang ganitong kawalan ng pagpapahalaga sa pandugtong-buhay sana ng mga SSS pensioner ay hindi kaya kasumpa-sumpa?

Isinulong ng ilang mambabatas ang tinaguriang over-ride resolution sa layuning mabaligtad ang aksiyon ng Pangulo.

Subalit ito ay mistulang pinatay ng liderato ng Kamara, lalo na ng mga kaalyado ng administrasyon. Sa kabilang dako, nangbintang pa ang mga nagsusulong ng naturang resolusyon ng pamumulitika. Kahabag-habag na mga SSS pensioners.

Naunsiyami ang kanilang mga pangarap na humaba ang buhay dahil sa pulitika.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Laging binibigyang-diin ng administrasyon ang inaakala nilang makatao at makabuluhang lohika sa pagbasura ng nasabing panukala. Nais nitong pangalagaan ang SSS funds upang humaba ang buhay nito sa kapakanan ng higit na nakararaming miyembro ng ahensiya. Nasa mahigit 30 milyong miyembro ang maaaring madehado kapag ipinagkaloob umano sa mga senior citizen ang dagdag na pensiyon. Katiting lamang ang P2,000 kung ihahambing sa milyun-milyong pisong bonus at iba pang biyaya na kahina-hinalang ipinagkakaloob sa mga opisyal ng SSS at sa iba pang tanggapan ng gobyerno. Bukod pa rito ang nakapagdududa ring pondo na kinukulimbat mula sa masasalimuot na transaksiyon.

Sa kabilang dako, lagi ring binibigyang-diin ng maraming sektor, kabilang na mismo ang mapagmalasakit na mga mambabatas, na ang mga senior citizen, karamihan ay mga SSS pensioner, ay gumanap din ng makatuturang misyon sa lipunan. Hanggang ngayon, marami sa kanila ang bahagi pa rin ng pagbalangkas ng mga patakaran sa kaunlaran ng kabuhayan.

Totoo, mahigit na anim na milyon lamang sila. Subalit isang katotohanan na marami silang mga anak, kamag-anak; at mga apo na pawang mga botante. Alam nila kung sinu-suno ang mga naging manhid at walang malasakit sa kanilang kapakanan. At lalong batid nila kung sino ang mga dapat parusahan sa darating na halalan. (CELO LAGMAY)