Magpapatupad ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ng traffic rerouting scheme sa EDSA sa paggunita sa ika-30 People Power Revolution sa Pebrero 25.

Bagamat idineklara ng Malacañang na isang non-working holiday ang Pebrero 25, naniniwala si MMDA Chairman Emerson Carlos na mahalagang magkaroon ng traffic management plan para sa okasyon.

Batay sa inisyal na plano ng MMDA, isasara ang EDSA, mula sa panulukan ng Ortigas Avenue hanggang sa Santolan sa hatinggabi ng Pebrero 25 para sa taunang pagsasadula ng “salubungan”.

Sa Valentine’s Day naman sa Linggo, Pebrero 14, magbubukas ang EDSA People Power Commission (PPC) ng “experiential museum” sa Katipunan Avenue Extension, o White Plains Avenue.

Matapos maligwak ang request: Paolo Duterte, pumayag manatili si VP Sara sa kaniyang opisina

“Closure will be from 12:01 am of February 14 until February 29,” sabi ni Carlos.

Sinabi rin ni Carlos na magpapatupad sila ng “zipper” o ang mga counter-flow lane para sa mga motoristang eastbound.

Ayon kay PPC Chairman Cesar Sarino, siyam na hall ang bubuksan sa museo upang gunitain ang martial law. Ang walkthrough ay tinatayang tatagal ng 50 minuto.

Sa pamamagitan ng museo, umaasa si Sarino na kikilalanin ng kasalukuyang henerasyon ang kabayanihan at mga sakripisyo ng ilang Pilipino. - Anna Liza Villas-Alavaren