NOONG nakaraang linggo, ang naghihingalong Bangsamoro Basic Law (BBL) ay tuluyan nang natigok. Sa katunayan, nang iharap ito sa Kongreso ay may sakit na. At malubha ang sakit. Tinatanggihan na ito ng mga doktor ng Kongreso o mas kilala sa tawag na kongresista. Ayaw ng mga kongresista na mailigtas at mapagaling ito. Pero gustung-gusto itong sagipin ni Pangulong Noynoy Aquino.
Kung anu-anong pakiusap ang ginawa niya sa mga kongresista para iligtas ito sa tiyak na kamatayan. Maya’t maya ay pinagpupulungan, pinakikiusapan at halos lumuhod para huwag itong tuluyang mamatay. Pero wa’ epek’, palihim siyang sinuway at ang BBL ay tuluyang natigok.
Talagang mahirap na pakiusapan ang mga doktor (kongresista). Para totohanin nito ang paggamot sa isang may sakit ay kailangang aginalduhan mo sila kahit hindi Pasko. Walang aginaldo, walang magtatrabaho. Wika nga, “No money, no honey”.
Hindi ba’t ganyan ang nangyari nang si dating Chief Justice Corona ang “magkasakit”? Ang talagang gusto ni PNoy ay matigok ito pero hindi mamatay-matay. Nang aginalduhan ni PNoy ang mga ito ng milyones, tigok agad si Corona. Tanggal pati “korona” niya sa Korte Suprema.
Ang BBL sa simula pa ay matindi na ang sakit. Kahit gustung-gusto ng mga mamamayan na mamatay ito. Naniniwala kasi ang mamamayang Pilipino na delikado ito at walang maidudulot na kabutihan. Ngunit iba ang paniniwala ni PNoy dahil ito umano ang susi para matahimik ang bansa, partikular na ang Mindanao. Hindi ba’t sinubukan na ito ni dating Pangulong Ramos? Binigyan ng poder ang Moro Islamic Liberation Front (MILF) pero ibang grupo naman ang bumuo ng Moro National Liberation Front (MNLF). At hindi pa tuluyang nakakaigpaw ang MILF, may nabuo naman ang Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF)?
Iyon umano, katwiran ng mga kapanalig ni PNoy, ang magiging pamana nito sa minamahal nating Pilipinas.
Tama na ang pamana mo sa aming “Tuwid Na Daan”. Diyan lamang ay katakut-takot na perwisyo na ang dinaranas namin. Tama na ang PDAP, ang DAP, ang TRAPIK at KURAPSIYON ng mga opisyal. Tama na ang iiwan mo sa aming kapabayaan sa mga biktima ng bagyong ‘Yolanda’, ang laganap na kahirapan, at mga pambobola.
Sapat na ang mga ito bilang iyong mga pamana. Umalis ka na lamang sapagkat ang pag-alis mo ang hudyat ng panibagong simula ng sambayanang Pilipino. (Rod Salandanan)