SA mga bayan sa Silangang bahagi ng Rizal, ang buwan Enero at Pebrero ay panahon ng pagbibigay-buhay at pagpapahalaga sa mga namanang tradisyon at kaugalian na nag-ugat na sa kultura ng mga mamamayan. Magkasabay na ipinagdiriwang ang kapistahan ng bayan at kanilang patron saint na kanilang katuwang at patnubay sa Poong Maykapal.
Ngayong ika-7 ng Pebrero, ang bayan ng Morong sa lalawigan ng Rizal ay masayang nagdiriwang ng kanilang kapistahan kasabay ng kapistahan ni Saint Jerome na kanilang patron saint. Ang selebrasyon ay pinangungunahan ni Morong Mayor Mando San Juan at ng mga miyembro ng Sangguian Bayan. Ngayong 2016 ang ika-438 taong anibersaryo ng kapistahan.
Ang pagdiriwang sa Morong ay sinimulan noong Enero 30 ng iba’t ibang aktibidad katulad ng Inter-school singing contest na nasa 24 na kabataan ang lumahok mula sa iba’t ibang paaralan sa Morong; sa Inter-school singing contest naman sa mga mag-aaral sa high school ay umabot na 26 ang lumahok. Noong Pebrero 1, idinaos ang Gabi ng University of Rizal (URS). Tampok ang cultural presentation ng mag- aaral. Kinabukasan, Pebrero 2, idinaos naman ang DepEd Night at itinampok ang mga guro at mag-aaral. Naging bahagi naman noong Pebrero 3 ang Talentadong Moronggenyo na sinundan ng pagtatanghal sa Jesus My Shepherd Montessori School. Kasunod nito ang pagtatampok sa mga mag-aaral ng Tomas Claudio Memorial College.
Ngayong Pebrero 7, idaraos naman ang isang concelebrated at thanksgiving mass sa makasaysayang simbahan ng Morong na pangungunahan ni Father Bienvenido Guevarra. At sa hapon ay may libreng boksing sa Morong plaza at pagsapit ng gabi ay ang paghahayag at koronasyon ng mga nagwagi sa inilunsad na “Ms. Gay 2016 ng Morong”.
Ang salitang Morong ay hango sa pangalang Moro, isang matapang na mandirigma na namuno sa isang barangay sa paanan ng Sierra Madre. Nang lumaon, ang barangay ay tinawag na Morong bilang pagkilala at parangal sa nasabing lider.
Nagsimula naman ang paglaganap ng Kristiyanismo sa Morong noong 1578-1583 nang magmisyon sina Father Juan de Plasencia at Diego de Oropesa. Kasabay ng pagtatayo ng makasaysayang simbahan na ang patron saint ay si Saint Jerome. Ang pagpapahalaga sa mga tradisyon at kultura ng bayan ay nagpatuloy hanggang sa kasalukuyang panahon.
(CLEMEN BAUTISTA)