PINATAYAN ng mikropono si Party-List Congressman Colmenares habang siya ay nagsasalita sa huling session sa Kongreso. Hinihimok niya ang mga kapwa niya kongresista na pagbotohan muli ang P2,000 pension-hike bill na tinutulan ni Pangulong Noynoy Aquino. Nais niyang i-override, sa botong 2/3, ang pag-veto ng Pangulo sa nasabing bill. Naroon sa galerya ng Mababang Kapulungan ang maraming pensioner na nanonood at umaasang mangyayari ang nais ni Colmenares ngunit pinatayan ito ng mikropono.

Kinokondena ko ang ginawang ito ni Speaker Belmonte. Ngayon lang yata sa kasaysayan ng ating demokrasya, sa hangaring ayaw marinig ang sinasabi ng isang kinatawan ng bayan, may pinatayan ng mikropono habang may nagsasalita.

Kalapastanganan at kabastusan ito. Paglabag ito sa mabuting asal na dapat sana’y si Belmonte ang pangunahing ehemplo sa paggalang nito. Higit sa lahat, paglabag ito sa Saligang Batas na gumagarantiya sa karapatan ng taumbayan na maghayag. Ang taumbayan ay naghahalal ng kanilang kinatawan upang maghayag at mangalaga ng kanilang interes sa gobyerno. Sila ay nakikilahok sa pagpapatakbo ng gobyerno sa pamamagitan ng kanilang kinatawan. Kung bubusalan mo ang kanilang kinatawan, katulad ng pagpatay ng mikropono sa Kongresista, sinisikil mo ang kanilang karapatang ito.

Hindi balidong katwiran na kaya mo pinatitigil ang nagsasalita ay dahil nagpapapogi lamang ito. Anuman ang layunin niya sa pagsasalita ay hindi ito mahalaga. Ang mahalaga ay may kaugnayan ito sa kanyang tungkulin at kapakanan ng mga mamamayan, katanggap-tanggap man ito o hindi sa mga nakikinig. Ang sinasabi ni Colmenares nang patayan siya ng mikropono ay sa ikabubuti ng mga pensioner. Kung tama siya o mali, pakinggan mo siya. Higit ngang binibigyan ng proteksiyon ng Saligang Batas ang ideya na ayaw mong pakinggan. Sa demokrasya, hindi lang ikaw ang nagpapasya. Ang taumbayan na siyang pinakamakapangyarihan ang dapat bigyan mo ng pagkakataon na malaman ang tinatanggihan mong ideya dahil sila ang magpapasya. Dapat ay idinaan na lamang sa pakiusap ng mga taong ayaw makinig sa mga sinasabi ni Colmenares. (Ric Valmonte)

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan