Umabot sa 1.3 porsyento ang inflation o ang pagtaas sa presyo ng mga bilihin at serbisyo nitong Enero, mas mabagal kaysa noong Disyembre na nasa 1.5%, malaking rason ang mas mababang utility rates at presyo ng transportasyon, ayon sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP).
Sinabi ni BSP Gov. Amando M. Tetangco, Jr. na ang inflation nitong Enero ay pasok sa forecast range na 0.8% hanggang 1.6% ng Bangko Sentral.
Gayunman, tinatayang tataas ang inflation dahil sa El Niño at potensyal ng adjustment sa singil sa kuryente.
“Our view remains to be that monthly inflation will slowly rise to within the target range for 2016 and 2017. Upside risks continue to emanate from a stronger-than-expected El Niño and potential adjustment in electricity rates given pending petitions,” pahayag ng BSP.
Sinabi ng governor na patuloy na imo-monitor ng BSP ang iba pang mga kaganapan, kabilang na ang mga pahiwatig ng mas mababang global growth at dagdag na kawalang kasiguraduhan sa merkado ng pananalapi at mga kalakal, upang makita kung ang balance of risks ay patungo sa sitwasyong ito kaya kailangan ng adjustment sa policy stance.
(MARICEL BURGONIO)