TILA naubusan na ng mga epektibong estratehiya ang mga namamahala sa trapiko sa Metro Manila, lalo na sa kahabaan ng EDSA. Biruin mo’t pati ang mga mamamayan ay binabalak hingan ng mungkahi hinggil sa pagpapaluwag ng buhul-buhol na trapiko. Ibig sabihin, sa pamamagitan ng mga pormularyo, nais nilang mabatid ang kasagutan ng sambayanan sa tanong na: Nasisiyahan ba kayo sa pamamahala sa trapiko? May mga suhestiyon ba kayo? Marahil pasigaw na isasagot ng taumbayan na HINDI at WALA. Sana ay nagkakamali ako sa aking palagay.

Nais malaman ng PNP/HPG at ng iba pang kawani na nangangasiwa sa trapiko kung hanggang saan na ang narating ng kanilang pagsisikap na malutas ang galit ng mga mamamayan na araw-araw naiipit sa pagsisiksikan ng mga sasakyan.

Nangangahulugan lamang na sila ay sumusuko na sa paglutas ng kalbaryo ng mga motorista at ng mismong mga pasahero.

Hindi natin minamaliit ang kakayahan ng HPG sa pamamahala sa trapiko. Eksperto sila sa ganitong misyon. Katunayan, sila ang pinili upang pangunahan ang pagpapaluwag ng trapiko. Dangan nga lamang at tila matamlay ang kooperasyon ng iba pang traffic enforcers at mismong mga motorista.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Dahil dito, marapat lamang na minsan pang paigtingin ng mga kinauukulan ang makataong pakikiisa sa pagpapatupad ng mahihigpit na batas at reglamento upang malipol ang mga balakid sa trapik. Nangunguna rito ang pagbabawas ng mga bus na bumibiyahe sa EDSA. Karamihan dito ay mga kolorum na nakakaligtaang silipin ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) at Land Transportation Office (LTO). Mapapansin na maraming bus ang tumatakbo sa EDSA kahit na mangilan-ngilan lamang ang pasahero nito.

Matindi ring balakid sa pagpapaluwag ng trapiko ang mga abusadong motorista na walang pakundangan sa pagpapaharurot ng kanilang mga sasakyan. Bunga nito, malimit maganap ang aksidente. Kaakibat nito, ang pagyayabang ng ilang motorista na tandisang lumalabag sa traffic laws. Kapag nahuli, pati mga senador ay isinasangkalan; sa kanilang pakikipagtalo sa pulis, naaabala ang ibang motorista na nagiging dahilan ng matinding trapik. (CELO LAGMAY)