Isang panalo na lamang ang kailangan ng National University upang makamit ang asam na outright championship berth matapos gapiin ang University of the East, 94-60, nitong Miyerkules sa pagpapatuloy ng UAAP Season 78 juniors basketball tournament sa San Juan Arena.

Tinambakan ng Bullpups ang Junior Warriors, 71-37, kung kaya’t nagawang ipahinga ni coach Jeff Napa ang kanyang starter may 10 minuto pa sa laro bilang paghahanda sa huli nilang laban sa elimination sa Sabado.

Ang panalo ay ika-13 sunod ng Bullpups at kailangan na lamang nilang talunin ang De La Salle-Zobel sa Sabado upang pormal na umusad sa kampeonato.

Gaya ng dati, muling nanguna para sa Bullpups si Justine Baltazar na nagtapos na may 16 puntos at 16 rebounds.

Akari Sports wala pang balak pasukin ang PBA

Naghahanda rin para pigilan ang tangkang outright finals entry ng NU, tinalo naman ng De La Salle-Zobel ang Adamson, 47-35 na nagpatatag ng kapit nila sa No.2 spot taglay ang barahang 11-2.

Nanguna para sa Junior Archers si Aljun Melecio na may 14 puntos.

Ginapi naman ng defending champion Ateneo (9-4) ang University of Santo Tomas, 80-57 (3-10), habang pinataob ng Far Eastern University-Diliman (8-5) ang UP Integrated School (2-11), 81-71,para masiguro ang huling dalawang semis berth habang ganap na nalaglag ang Baby Falcons sa pagbaba nito sa barahang 6-7. (Marivic Awitan)