ISANG linggo bago ang nakatakdang proklamasyon ng kalayaan ng iniibig nating Pilipinas sa Kawit, Cavite, sa loob ng anim na araw ay binuo ni Julian Felipe ang bagong komposisyon. Naging inspirasyon niya sa pagkatha ng tugtugin ang mga hirap na dinaranas ng ating bayan. Ipinahayag ni Julian Felipe sa tugtugin ang kanyang pagmamahal sa bayan. At noong gabi ng Hunyo 11, 1898, sa harap ni Heneral Emilio Aguinaldo at ng ilang heneral ng Himagsikan, tinugtog sa piyano ni Julian Felipe ang kanyang komposisyon sa himig ng martsa. Humanga si Heneral Emilio Aguinaldo at pinagtibay na ang tugtugin ay maging pambansang awit. Tinawag itong “Marcha Nacional Magdalo”. Ang Magdalo ang pangalan ni Aguinaldo sa Himagsikan at ng kanyang pangkat sa Cavite. Hango sa pangalan ni Sta. Maria Magdalena, ang patron saint ng Kawit, Cavite. Nang itatag ang Republilka ng Pilipinas noong Enero 23, 1899, ang “Marcha Nacional Magdalo” ay pinalitan ng “Marcha Nacional Filipina”.
Ang pormal na pagtugtog ng Pambansang Awit ay naganap noong Hunyo 12, 1898 nang ihayag ni Heneral Emilio Aguinaldo ang Araw ng Kalayaan sa Kawit, Cavite. Tinugtog ng Banda San Francisco de Malabon (Heneral Trias na ngayon), kasabay ng pagtataas ng ating watawat. Makalipas ang isang taon, ang Pambansang Awit ay nagkaroon na ng lyrics o mga titik.
Noong Setyembre 3, 1899, ang tulang “Filipinas” sa Kastila ng makabayan at makatang si Jose Isaac Palma at ang “Marcha Nacional Filipina” ay pinagsama. Inilathala sa “La Independencia” ang pahayagan ng Unang Republika. Mula noon, ipinatalastas ni Pangulong Aguinaldo na ang “Marcha Nacional Filipina” ay pambansang Awit ng Pilipinas. Ayon kay Pangulong Aguinaldo, ang pagkakaroon ng Pambansang Awit ay pagsisimula ng maalab na kilusan ng mga Pilipino upang mabuhay nang marangal at kapantay ng alinmang lahi sa buong daigdig.
Ang tulang “Filipinas” ay isinalin sa Ingles ni dating Senador Camilo Osias. Pinamagatang “Philippine Hymn”. Ang mga makatang sina Ildefonso Santos at Julian Cruz Balmaceda ang nagsalin sa wikang Tagalog na pinamagatang “Lupang Hinirang”. Noong Mayo 26, 1956, ipinahayag ni Pangulong Ramon Magsaysay ang “Lupang Hinirang” bilang opisyal na bersiyon ng Pambansang Awit.
Katulad ng tulang “Mi Ultimo Adios “ ng ating pambansang bayani na si Dr. Jose Rizal, at ang watawat ng Pilipinas, ang himig at mga titik ng “Lupang Hinirang” nina Julian Felipe at Jose ay ilan sa mahahalaga at hindi malilimtang pamana ng Himagsikan. (CLEMEN BAUTISTA)