SA muling pagbubukas ng Mamasapano massacre case, lalong nagbiling-baligtad sa kanilang libingan ang SAF 44; bagamat mahirap paniwalaan, sila ay mistulang bumangon sa kanilang libingan. Isipin na lamang na hanggang ngayon, ayaw patahimikin ang kanilang mga kaluluwa. Mistulang pinaglaruan sa naturang Senate hearing ang nakakikilabot na kamatayan ng ating mga bayaning alagad ng batas sa pagtupad ng isang makabayang misyon.
Minsan pang binuhay sa Senate hearing ang nakadidismayang sistema ng paghahanap ng katotohanan. Ang matataas na opisyal ng gobyerno, kabilang na ang mga mambabatas at pinuno ng militar at pulisya ay walang patumangga sa pagtuturuan, takipan, sisihan at palitan ng bintang hinggil sa sinasabing palpak na Oplan Exodus. Halatang ibinubunton ang sisi sa isang SAF official upang mapagtakpan lamang, marahil, ang pananagutan na dapat akuin ng matataas na lider ng administrasyon. Sa ganitong takbo ng mga pangyayari, hindi nagbabago ng impresyon ang sambayanan hinggil sa kung sino ang dapat managot sa karumal-dumal na kamatayan ng SAF 44 heroes.
Sa kabilang dako, kung hihimayin ang testimonya na nalantad sa idinaos na pagdinig, mahihinuha ang tunay na kahulugan ng chain of command. Nilinaw ni Senador Juan Ponce Enrile na ang Presidente ang may kinalaman sa makabuluhang mga operasyon, lalo’t pagdating sa seguridad ng mga mamamayan. Idinetalye niya ang palitan ng text messages ng PNP officials at civilian authorities na ang lahat ay nakatuon sa tunay na lider na dapat sundin sa mga sensitibong operasyon. Ganito rin ang paninindigan ni Senador Gringo Honasan hinggil sa kahulugan ng chain of command. Batay sa kanyang mga karanasan bilang isang opisyal ng militar, tahasan niyang sinabi na ang Pangulo bilang commander-in-chief ang nasusunod sa mga military at police operations. Niliwanag din ito sa report ng unang Mamasapano hearing ng komite na pinamunuan ni Senador Grace Poe; tandisang tinukoy dito na ang Presidente ang may pananagutan sa karumal-dumal na massacre.
Taliwas ito sa paninindigan ng Malacañang: ang Oplan Exodus ay pinakilos ng mga opisyal ng PNP/SAF.
Iwasan na natin ang turuan, sisihan, takipan... alang-alang sa katahimikan ng kaluluwa ng ating mga bayani, ang SAF 44. (CELO LAGMAY)