Muling sinuspinde ng Sandiganbayan si Optical Media Board (OMB) Chairman Ronnie Ricketts at tatlo pang opisyal ng OMB kaugnay ng umano’y maanomalyang pagre-release ng mga pirated digital video disc (DVD) at video compact disc (VCD) na nasamsam sa isang raid sa Quiapo noong 2010.

Si Ricketts at tatlong opisyal na sina Enforcement and Inspection Division (EID) Chief Manuel Mangubat, Investigation Agent I Joseph Arnaldo, at Computer Operator Glenn Perez ay pinatawan ng 90-day preventive suspension ng OMB.

Ito na ang pangalawang pagkakataon na sinuspinde ng anti-graft court si Ricketts.

Paliwanag ng hukuman, ipinataw nila ang suspensiyon habang dinidinig ang kasong paglabag sa RA 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act laban sa mga ito.

National

DOH, nakapagtala ng 17 firework-related injuries sa loob lamang ng 24 oras

Nag-ugat ang suspensiyon nang ibalik ng grupo ng mga akusado ang nakumpiskang 127 kahon at dalawang sako ng piniratang DVD at VCD sa Sky High Marketing Corporation kahit gagawin sana itong ebidensiya sa pagsasampa ng kaso sa may-ari ng kumpanya, na sinalakay ng awtoridad sa Quiapo, Maynila, noong Mayo 27, 2010.

Agosto 2014 nang pinatawan ng anim na buwang suspensiyon sa posisyon ang grupo ni Ricketts kaugnay ng naturang kaso.

(Rommel P. Tabbad)