Mel Tiangco and Mar Roxas copy

NGAYONG Linggo, Enero 31, ang LP standard-bearer na si Mar Roxas naman ang sasalang sa election special ng GMA News and Public Affairs na Wanted: President.

 

Ang batikang mamahayag na si Mel Tiangco ang makakaharap ni Roxas sa naturang “job interview” na naglalayong kilatisin ang mga kandidato sa pagkapangulo.

Human-Interest

ALAMIN: Pagbibigay ng 13th month pay sa mga empleyado, paano nagsimula?

Sisiyasatin ni Mel ang katotohanan sa likod ng tinaguriang “publicity stunts” ng dating Kalihim ng DILG tulad na lamang ng pagmamando sa trapiko, pagmamaneho ng tricycle, at pagbubuhat ng sako ng bigas. Tatanungin din ni Mel si Mar tungkol sa diumano’y mabagal na pagresponde ng pamahalaan sa mga biktima ng bagyong Yolanda at sa anomalya sa MRT.

 

Ibabahagi ng pambato ng administrasyon ang kanyang “master plan” sa pagresolba sa malubhang sitwasyon ng trapiko sa bansa at ilalahad ang kanyang masasabi ukol sa mga napapanahong isyu tulad ng Freedom of Information Bill, pagiging legal ng divorce, pagpapanumbalik ng death penalty, at ang pagpapasa-legal ng same-sex marriage sa bansa. Aalamin ni Mel kung totoo nga bang mainitin ang ulo ni Mar gaya ng sinasabi ng mga kritiko niya.

 

Layunin ng Wanted: President na makilala pang lalo ng botanteng Pilipino ang mga kandidato sa pagkapangulo tulad ng pagkilatis ng isang employer sa isang aplikante.

Abangan ang Wanted: President ngayong Linggo, 9:30 PM, sa GMA-7.