Raptors itinala ang franchise record na 10th straight win.

TORONTO (AP) - Umiskor si Kyle Lowry ng 26 na puntos at 10 assist at nagdagdag naman si DeMar DeRozalso ng 26 na puntos nang itala ng Toronto Raptors ang kanilang bagong franchise record na sampung sunod na panalo matapos pataubin ang New York Knicks, 103-93.

Nagtala rin ng double-double performance para sa Toronto si Jonas Valanciunas na nagsalansan ng 11 puntos at 17 rebound.

Nanguna naman si Arron Afflalo para sa “undermanned” Knicks na bumagsak sa kanilang ikaapat na sunod na pagkabigo sa kanyang itinalang 20 puntos.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Lubhang nakaapekto sa laro ng Knicks ang pagkawala ng mga starter na sina Carmelo Anthony, Kristaps Porzingis at Jose Calderon.

Dahil sa kanilang panalo ay nalagpasan ng Raptors ang kanilang naitalang 9 na sunod na panalo noong Marso 22 hanggang Abril 9, 2002.

Naiwan din nila ang Indiana Pacers, Washington Wizards, at Orlando Magic bilang mga nalalabing koponan na hindi pa nakapagtala ng winning streak na hanggang 10 laban.

Doble ang naging selebrasyon para sa “sold-out crowd” na dumagsa sa Air Canada Centre, dahil sa anunsiyong kasama na si DeRozan sa reserves ng Eastern Conference team sa NBA All-Star Game na gaganapin sa susunod na buwan sa Toronto.

Dahil dito, dalawa na ang magiging kinatawan ng Raptors sa All-Star Game dahil nauna nang ibinoto si Lowry bilang starter, ang una para sa koponan magmula nang mapili sina Vince Carter at Anthony Davis noong 2001.

Dumikit pa ang Knicks at tinapyas ang kalamangan ng Raptors sa kalagitnaan ng third canto buhat sa 43-53 pagkakaiwan sa halftime ngunit nagsalansan ng 10 puntos sina DeRozan at Lowry para ibalik sa sampu ang lamang papasok ng fourth quarter.

Huling lumapit ang Knicks matapos ang 3-pointer ni Sasha Vujacic, may 1:57 pang natitira sa laro, ngunit agad namang sumagot ng 3-pointer si Lowry at hindi na nakalapit pa ang Knicks mula roon.