Inilagak na ng Commission on Elections (Comelec) sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang source code na gagamitin sa halalan sa Mayo 9 bilang pagsunod sa batas.

Mismong sina Comelec Chairman Andres Bautista at Commissioner Christian Robert Lim ang naghatid sa Bangko Sentral ng source code na nakalagay sa isang safety deposit box.

Sinabi ni Bautista na gagawa sila ng security protocol sa kung sinu-sino lamang ang maaaring makapasok sa vault at hindi iisang tao lamang ang papasok doon, para matiyak ang kaligtasan ng source code.

Ayon naman kay BSP Deputy Governor Vicente Aquino, gagawin nila ang kanilang responsibilidad upang masigurong ligtas ang source code.

National

Bulkang Kanlaon, alert level 3 pa rin!

Tiniyak rin niya na nasa mabuting kamay ang source code dahil maraming security na daraanan bago makarating sa vault nito. Hindi nila hahawakan o titingnan man lamang ang source code at tanging mga awtorisadong tao ang makapapasok sa vault nito.

Bukod sa Comelec, ang Smartmatic TIM lamang ang may kopya ng nasabing source code.

Magbabayad ng P1,700 kada buwan ang Comelec sa BSP para sa paggamit ng safety deposit vault nito na pinaglagyan din ng mga source code noong 2010 at 2013 elections. (MARY ANN SANTIAGO)