Sumuko na sa National Bureau of Investigation (NBI) ang isang alkalde ng Batangas na nahaharap sa kasong panggagahasa.

Boluntaryong nagtungo si Mayor Jay Ilagan, ng Mataas na Kahoy, Batangas, sa NBI matapos maglabas ng arrest warrant ang Branch 32 ng Ormoc City Regional Trial Court (RTC) kaugnay ng rape case na kinahaharap nito.

Nag-ugat ang kaso sa reklamo na inihain ng isang 19-anyos na babae mula sa Quezon City na nagsabing hinalay siya ni Ilagan nang imbitahan siya sa Ormoc noong 2013 upang magtrabaho sa isang beauty parlor.

Nangyari umano ang panggagahasa sa isang pension house sa Ormoc City noong Nobyembre 2013.

National

Super Typhoon Ofel, napanatili ang lakas habang nasa northeast ng Echague, Isabela

Bago sumuko sa NBI, pinabulaanan ni Ilagan ang alegasyon dahil wala umano siya sa Ormoc nang mangyari ang sinasabing panggagahasa.

Dadalhin ng NBI si Ilagan sa Ormoc City upang iharap sa korte na naglabas ng mandiyamento de aresto laban sa kanya.

Una nang sinalakay ng pulisya ang farmhouse ni Ilagan sa Barangay Santos sa Mataas na Kahoy subalit bigo silang matagpuan ang suspek.

Sa halip, nasamsam ng mga operatiba ang ilang high-powered weapon, kabilang ang isang AK-47 assault rifle, sa naturang lugar. (Leonard D. Postrado)