GINUNITA si dating Pangulong Corazon C. Aquino kahapon, Enero 25, sa ika-83 anibersaryo ng kanyang kapanganakan, dahil sa kanyang pamana ng katapatan, integridad, pagiging marespeto, kasimplehan, at pagmamahal sa pamilya na patuloy na nagsisilbing inspirasyon sa mga Pilipino hanggang sa ngayon.

Si “Tita Cory”, gaya ng nakasanayang tawag sa kanya, ay nahalal bilang ika-11 at unang babaeng pangulo ng Pilipinas.

Hinahangaan siya rito at maging sa ibang bansa. Asawa niya ang bayaning si Senador Benigno S. Aquino, Jr. at ang kaisa-isa nilang anak na lalaki, si Pangulong Benigno S. Aquino III, ay ang ika-15 presidente ng Pilipinas.

Ang kanyang pamumuno, na nagpanumbalik sa mga demokratikong institusyon, sa pagpapatibay sa 1987 Philippine Constitution, ay tumagal nang anim na taon, mula Pebrero 25, 1986 hanggang Hunyo 30, 1992, at tumulong siya sa pagsasabatas ng mga repormang legal at pagbabalik ng kaayusan at kumpiyansa sa ekonomiya. Itinaguyod niya ang mga kalayaang sibil at mga karapatang pantao.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Kabilang sa mahahalagang batas na kanyang sinuportahan ang Family Code of 1987 na nag-amyenda sa civil law sa pamilya, ang Administrative Code of 1987 na nagreorganisa sa sangay ng ehekutibo, ang Comprehensive Agrarian Reform Act of 1987, at ang Local Government Code of 1991 na nagkaloob ng mga kapangyarihan sa mga pamahalaang lokal. Sa panahon ng kanyang termino isinara ang mga base-militar ng Amerika sa Subic at Clark noong 1991.

Si Tita Cory ay kinilalang Woman of the Year ng Time Magazine noong 1986, ang kaparehong taon na tumanggap siya ng nominasyon para sa Nobel Peace Prize, at nagtalumpati sa harap ng pinag-isang sesyon ng US Congress. Tumanggap siya ng Ramon Magsaysay Award for International Understanding, ng Pearl S. Buck Award, at ng Eleanor Roosevelt Human Rights Award.

Pagkatapos ng kanyang termino bilang presidente, nagbigay si Tita Cory ng mga inspirational talk sa mga pandaigdigang forum. Naging aktibo siya sa Council of Women Leaders, isang pandaigdigang organisasyon ng mga babaeng naging pinuno ng gobyerno na pinakikilos ang kababaihang world leader upang tugunan ang mga usaping mahalaga sa pamumuno, pagpapabuti, at pagkakaroon ng kapangyarihan ng mga babae. Itinatag niya ang Benigno S. Aquino Jr. Foundation na nagkakaloob ng scholarship sa mahihirap ngunit matatalinong kabataang Pilipino, at ang PinoyME Foundation na tumutulong sa maliliit na negosyante sa kanayunan sa pamamagitan ng microfinancing.

Pumanaw siya noong Agosto 1, 2009. Sinabi ni noon ay US Secretary of State Hillary R. Clinton na si Tita Cory ay “admired by the world for her extraordinary courage.” Pinuri naman ni Pope Benedict XVI ang kanyang “courageous commitment to the freedom of Filipino people, her firm rejection of violence.”