Kahit alagad ng batas ay hindi pinaligtas ng riding-in-tandem, matapos nila itong holdapin habang nagpapa-car wash sa Caloocan City, nitong Sabado ng umaga.

Nagpupuyos sa galit habang kinukunan ng pahayag sa Station Investigation Division (SID) si SPO1 Leo Letrodo, 54, nakatalaga sa Highway Patrol Group sa Camp Crame.

Hinahanting na ng mga tauhan ni Senior Insp. Edgardo Adona, hepe ng Follow-Up Division, ang mga suspek na si Jonathan Cuya, 24, ng No. 28 Sto. Cristo Street, Balingasa, Quezon City, at kasamahan nito.

Nakilala si Cuya matapos ipakita kay Letrodo ang photo gallery ng mga wanted sa SID.

National

Ping Lacson, kinilala ambag nina PNoy, PBBM sa estado ng kaso ni Mary Jane Veloso

Kuwento ng biktima, dakong 7:30 ng umaga at nagpapa-car wash siya sa panulukan ng 8th Avenue sa Barangay 62 sa Caloocan City.

Aniya, nakaupo siya sa gilid ng kalsada nang biglang huminto ang motorsiklo na sinasakyan ng mga suspek at tinutukan siya ng .45 caliber pistol, at sa pagkabigla ng pulis ay wala siyang nagawa kundi ibigay ang kanyang P26,000 cash, mga ID, at dalawang ATM.

Natandaan ni Letrodo ang plate number (NO-383405) ng motorsiklo, pero nang berepikahin sa Land Transportation Office ay nabatid na kinarnap lang ito ng mga suspek.

Nadiskubre rin na si Cuya ay leader ng isang robbery hold-up gang na kumikilos sa Caloocan at Quezon City.

(Orly L. Barcala)