Walang balak na magpatupad ng batas militar si Senator Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. dahil hindi naman ito kailangan ng bansa.
Ang pahayag ni Marcos ay ginawa sa kanyang pagharap sa mga estudyante ng Centro Escolar University (CEU), nitong Biyernes.
Aniya, hindi uubra ang batas militar sa ngayon kasi wala namang tinatawag na “internal war” sa bansa, hindi katulad noong dekada ’70, sa termino ng kanyang yumaong ama na si dating Pangulong Ferdinand Marcos.
Ipinaliwanag pa ng senador na magkaiba ang sitwasyon noon na nahaharap ang bansa sa matinding pakikibaka ng komunistang grupo at sesesyunista sa Mindanao.
Aniya, ang kailangan ngayon ng bansa ay isang leader na matatag, kinikilala, at may paninindigan sa mga kritikal na isyung kinakaharap ng mamamayan.
Sinabi pa nito na bagamat problema ang matinding trapiko sa bansa, hindi naman nangangahulugan na magbababa na ng batas militar. (Leonel Abasola)