SA muling pagbubukas ng imbestigasyon ng Mamasapano incident noong Enero 25, 2015, iginiit ni Senate Minority Leader Juan Ponce Enrile (JPE) na wala itong kinalaman sa pulitika. Marahil ay totoo ang pahayag ng 92-anyos na Senador sanhi ng kanyang edad. Marami ang naniniwala na ang kahilingan ni JPE sa Mamasapano reinvestigation ay bunsod ng pagganti sa kanyang pagkakakulong dahil sa kasong pandarambong kasama sina Pogi (Sen. Bong Revilla) at Seksi (Sen. Jinggoy Estrada).

Sa dinami-rami ng sangkot sa umano’y P10-billion pork barrel scam ni Janet Lim-Napoles, wala yatang kaalyadong kongresista, senador at cabinet members ang naipakulong tulad nina Tanda (Sen. JPE), Pogi at Seksi. Kabilang sina Budget Sec. Butch Abad, Agriculture Sec. Proceso Alcala sa isinasangkot sa Priority Development Assistance Fund (PDAF) at Disbursement Acceleration Program (DAP).

Malaki ang naitulong ni Enrile sa pagnanais ni PNoy na ma-impeach si ex-SC Chief Justice Renato Corona.

Nakipagdebate pa siya kay yumaong ex-Justice Sen. Serafin Cuevas, counsel ni Corona, upang mapatalsik ito sa puwesto. Halos unanimous ang desisyon ng Senado sa pamumuno ni JPE upang ma-impeach ang “bata” ni ex-Pres. Gloria M. Arroyo na hinirang pa niya kahit labag sa election code.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Naniniwala si JPE na tuwirang sangkot si PNoy sa Oplan Exodus upang dakpin sina Marwan at Basit Usman. Hinayaan niyang mamahala sa delikadong operasyon ang suspendidong PNP Chief Alan Purisima na nagresulta ng pagkamatay ng 44 SAF commandos ng MILF, BIFF at mga armadong grupo sa Mamasapano gayong ang nakaupo noon ay sina ex-DILG Sec. Mar Roxas at ex-PNP OIC Dep. Director General Leonardo Espina. Ginawa niyang tanga sina Roxas at Espina.

May katibayan daw siya sa pagkakasangkot ng binatang pangulo sa palpak na operasyon.

Naniniwala ako na walang pamumulitika sa intensiyon ni Enrile. Manapa, nais kong maniwala na pagganti ito kay PNoy.

Matatandaan na mismong si ex-Pres. Marcos ay nilabanan niya noong Martial Law nang ipagpalit siya ni Macoy kay AFP Chief Gen. Fabian C. Ver.

Humanda kayo sa Enero 27 at pakinggan ang pagsasangkot ni JPE kay PNoy sa trahedya! (BERT DE GUZMAN)