Nahaharap ngayon sa kasong paglabag sa gun ban na ipinatutupad ng Commission on Elections (Comelec) ang isang bagitong pulis na inireklamo ng isang babae dahil sa ilegal na pagpapaputok ng baril sa Nasugbu, Batangas, noong Sabado ng gabi.

Kinilala ng mga opisyal ng Batangas Police Provincial Office ang suspek na si PO2 Jayson Ortizo, operatiba ng Bauan Police.

Si Ortizo ay inireklamo ng isang Maricris Villanueva sa himpilan ng Bauan Police.

Nakasaad sa reklamo ni Villanueva na ipinutok ni Ortizo ang kanyang service firearm sa panulukan ng R. Vasquez at Salvadea Streets sa Barangay 6, sa Nasugbu, dakong 9:00 ng gabi nitong Sabado.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Matapos matunugan na inireklamo siya ni Villanueva, agad na sumuko si Ortizo sa kanyang superior bitbit ang kanyang Glock 16 service pistol at 12 bala.

Samantala, isang abogado ang nasugatan matapos pagbabarilin ng dalawang suspek na magkaangkas sa isang motorsiklo sa Villa Monica Subdivision sa Barangay Lodlod, Batangas City, kahapon ng umaga.

Kinilala ang biktima na si Atty. Socrates M. Hermosos, na kasalukuyang ginagamot sa Mediatrix Medical Center. - Danny J. Estacio