Iniimbestigahan ngayon ang isang ama makaraan niyang aksidenteng mabaril at napatay ang sarili niyang anak matapos pumutok ang baril na nililinis niya sa loob ng kanilang bahay sa Pagadian City, Zamboanga del Sur, nitong Sabado ng hapon.

Ayon sa imbestigasyon ng Pagadian City Police Office, nangyari ang insidente sa Barangay Dao sa Pagadian.

Kinilala ni Chief Insp. Rogelio Alabata, tagapagsalita ng Police Regional Office (PRO)-9, ang suspek na si El Porlonga, Sr., 36, na iniimbestigahan na ang pagpatay sa 12-anyos niyang anak.

Batay sa imbestigasyon ng pulisya, nililinis umano ng suspek ang kanyang .45 caliber pistol sa sala nang biglang lumabas mula sa silid ang biktimang si El Porlonga Jr.,high school student.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Aksidenteng nakalabit ng suspek ang gatilyo ng baril at pumutok ito at tinamaan ang bata.

Hindi na umabot nang buhay ang biktima sa Jamelarin Hospital.

Sumuko naman sa himpilan ng pulisya ang suspek dala ang baril.

Napag-alaman na may issued license ang baril ng suspek noon pang Enero 28, 2011, pero nadiskubre na expired na ito dahil hanggang Enero 7, 2015 lamang ang lisensiya.

Bukod sa parricide, kakasuhan din ang suspek ng paglabag sa Commission on Election (Comelec) gun ban dahil sa pag-iingat ng baril na paso na ang lisensiya at itinuturing na loose firearm. (FER TABOY)